Default Thumbnail

4 patay sa CCJ riot

January 10, 2022 Edd Reyes 428 views

APAT ang patay sa madugong riot sa loob ng Caloocan City Jail (CCJ) Lunes ng hapon sa Caloocan City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Arturo Bisasa, Hans Omar, kapuwa miyembro ng Commando Gang, Sherwin Perez at John Patrick Chicko, na pareho namang miyembro ng Sputnik Gang.

Sa pang-unang ulat na nakarating sa tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, dakong alas-3:30 ng hapon ng biglang sumiklab ang kaguluhan matapos ang mainitang pagtatalo ng dalawang grupo habang nagsusugal ng cara y cruz.

Humantong sa madugong riot ang pagtatalo ng magkalabang grupo at dahil sa dami ng mga lumahok sa riot, nahirapan ang mga jail officers na maawat kaagad ang kaguluhan na naging sanhi ng pagkasawi ng apat at pagkasugat na hindi pa matiyak na dami ng bilang ng mga persons deprived of liberty (PDL).

Tinangka namang kuhanan ng panig ang Warden ng naturang pasilidad na si Supt. Neil Subibi subalit hindi makontak hanggang sa isinusulat ang balitang ito.

Inaalam pa ng mga imbestigador ng Caloocan police ang mga pangalan ng mga sugatan habang patuloy ang pagsasagawa ng pagsisiyasat sa insidente.

AUTHOR PROFILE