4 na kawatan ng contractor, timbog sa Sampaloc
APAT na katao ang kalaboso at binitbit ng mga operatiba ng España Community Precinct ng Manila Police District (MPD) Station 4 kabilang ang isang manggagawa makaraang nakawan ang isang construction firm o contractor na aabot sa P290,500 na mga materyales sa Sampaloc, Maynila, Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Richard Sandoval alias “Chad”, 21, tricycle driver ng JP Rizal, Tondo; Kyle Tambis, alias “Kyle”, 21, ng Burgos St., Tondo; John Noel Opulencia, alias “Wen”, 26, trabahador sa DMCI, ng Bareto St., Pandacan; at Michael Sampol, 39, ng Malaya St., Tondo.
Base sa ulat ni P/Lt. Gene Licud, commander ng MPD-Sampaloc Police Station 4, naganap ang insidente alas-3 :00 ng madaling araw sa Manila NLEX-SLEX Connector Project Site sa New Antipolo St., sa panulukan ng Piy Margal sa Bgy. 507 Sampaloc.
Nabatid sa report, naaktuhan ni Peter Dancalan, security guard ng DMCI (D.M. Consunji, Incorporated) ang mga suspek na isinasakay sa isang van ang mga construction materials at mga tools.
Napigilan ni Dancalan si Sandoval pero nakatakas ang ibang suspek at sa pagmamadali ay nabangga ang motorsiklo ni Alimudin na kasamahan ni Dancalan.
Kaagad naman inireklamo ni Rafael Tamaris, assistant admin ng DMCI, sa pulisya ang insidente kaya nagsagawa ang kapulisan ng follow-up operation.
Nabawi sa mga suspek ang tinangay na construction materials at tools sa isinagawang operasyon sa isang lugar sa Tondo.
Kasong theft, malicious mischief, at paglabag sa PD 1612 (Anti-Fencing law) ang kahaharapin ng mga suspek. Jon-jon Reyes at C.J Aliño