Default Thumbnail

4 na joggers inararo ng kotse sa QC, sugatan

May 8, 2022 Melnie Ragasa-limena 468 views

APAT na katao ang sugatan matapos araruhin ng isang kotse habang nag-jogging sa kahabaan ng White Plains Avenue sa Quezon CIty, nitong Linggo ng umaga.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Baluyao Lobado Angela, 35, call center agent, residente ng 21-D Arayat St., Mandaluyong City; Ong Lee Michael, 47, optometrist, ng 696 L. Parada St., Mandaluyong City; Blancia Puyong Edelyn, 36, OFW, ng 607 Calderon St., Brgy., Addition Hills, Mandaluyong City, at Dealagdon Ocelia Alfredo, jobless, at naninirahan sa 51-B Banana St., B-37 Brgy., Addition Hills, Mandaluyong City.

Kinilala naman ang suspek na si Patrick Anthony Ang, 24, student, at naninirahan sa 119 Swallow Drive, Green Meadows Subdivision, Brgy., Ugong Norte, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, bandang 5:15 a.m. nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng White Plains Ave. Eastbound lagpas ng Camp Aguinaldo Gate 5 , Barangay Ugong Norte.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Jose R Soriano ng Traffic Sector 3, nagdya-jogging ang mga biktima sa kahabaan ng White Plains Avenue patungong Timple Drive East habang ang suspek na sakay ng Honda Mobilio na may plakang NCZ-1982 ay galing EDSA papuntang Green Meadows Gate-1.

Pagsapit sa Brgy., Ugong Norte ay biglang nasalpok ng minamanehong sasakyan ng suspek ang mga nagdya-jogging na mga biktima dahilan upang tumilapon ang mga ito sa bangketa.

Agad na isinugod ang mga biktima sa Quirino Memorial Medical Hospital at Saint Lukes Hospital na pawang nagtamo ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property with Multiple Physical Injuries.