Default Thumbnail

4 na caretaker sa MMP, kalaboso sa mga kaso

November 2, 2022 Edd Reyes 254 views

PATONG-patong na kasong kriminal ang kinakaharap ng apat na lalaking nagtatrabaho bilang caretaker sa loob ng Manila Memorial Park (MMP) matapos magpaputok ng baril habang nag-iinuman sa loob ng pribadong Kampo-Santo araw ng Lunes sa Parañaque City.

Sa isinumiteng ulat ni Paranaque Police Chief P/Col. Renato Ocampo kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. John Brion Kraft, dakong alas-3:50 ng madaling araw nang makatanggap ng reklamo ang kanyang mga tauhan kaugnay sa mga kalalakihang nag-iinuman sa loob ng memorial park sa may Bgy. BF Homes at nagpapaputok pa ng kanilang armas.

Kaagad na inatasan ni Ocampo ang kanyang mga tauhan na puntahan ang sinasabing lugar sa loob ng pribadong libingan at dito nila inabutan ang patuloy na pag-iinuman ng mga suspek na pawang mga caretaker sa nasabing sementeryo.

Nang lumapit ang mga pulis upang dakpin ang mga suspek, nagpumiglas at nagtangkang manlaban ang mga ito kasabay ng pagbibitiw pa ng mga nakaka-insultong pananalita at pagmumura laban sa mga awtoridad kaya’t gumamit na ng kinakailangang puwersa ang kapulisan na nagresulta sa pagkakakumpiska sa kanila ng isang kalibre .38 revolver na may kargang limang bala sa loob ng isang sling bag.

Dinala ng mga pulis sa Parañaque Police Station ang mga suspek matapos isailalim sa medical examination para sa kaukulang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), Alarm and Scandal at Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person of Authority and their Agents) sa piskalya ng Parañaque.

Pinapurihan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo ang mabilis na aksyon ng Parañaque police na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na patunay aniyang hindi natutulog ang kapulisan sa pagpapatupad ng programang S.A.F.E. (“Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions”) NCRPO.

AUTHOR PROFILE