4 lalaki nagbenta online ng mga nenok na motorsiklo, timbog

April 22, 2022 Melnie Ragasa-limena 60 views

NAARESTO ng pulisya ang apat na suspek na sangkot umano sa pagnanakaw ng motorsiklo at pagbebenta nito sa social media platform sa isinagawang entrapment operation sa Bgy. Commonwealth, Quezon City.

Kinilala ni PLt. Col. Rix Villareal, ang Station Commander ng Masambong Police Station (PS-2) ang mga suspek na sina Emman Garcia, 22; Bryan Cabrera, 40, parehong nakatira sa Bgy. Rodriguez, Rizal; Jonathan Gumamay, 25, nakatira sa Bgy. Payatas, Quezon City; at Jayson Jugal, 28, ng Bgy. Holy Spirit, Quezon City.

Ayon sa report, noong Abril 18, 2022, bandang 12:00 ng madaling araw, nakaparada ang motorsiko ng isang Lalamove driver na si Steven Mag-apan sa Anakbayan St., Bgy. Paltok, Quezon City, nang bigla na lamang dumating sila Gumamay at Jugal sakay ng Euro Motorcyle.

Bumaba si Jugay at kinuha ang motorsiklo ng biktima at tumakas.

Noong Abril 19, 2022, dakong ika-11:30 ng umaga, nagulat ang biktima nang makita niya ang kanyang motorsiklo na ibinebenta sa facebook.

Kaagad itong inireport ng biktima sa PS-2 at nagsagawa ang mga pulis ng hot-pursuit operation.

Nakipagtransaksyon ang mga operatiba kay Garcia at Jugal at nakipagkita ang mga ito sa kahabaan ng Litex Road, Bgy. Commonwealth, Quezon City, ngunit si Garcia lamang ang sumipot kasama si Cabrera na kaagad inaresto.

Kalaunan, isinuplong nila Garcia at Cabrera ang kinaroroonan ng dalawa pa nilang kasabwat na kinilalang sina Gumamay at Jugal na nagresulta ng kanilang agarang pagkakaaresto.

Nakuha mula sa mga suspek ang Suzuki Gixxer, isang Honda XRM, isang Euro motorcycle, at isang Motorstar Easyride 150N na pagmamay-ari ng biktimang si Mag-apan.

Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 or New Anti-Carnapping Law na may kaugnayan sa PD 1612 o Anti-Fencing Law at paglabag sa RA 11235 o An Act Preventing and Penalizing the Use of Motorcycles in the Commission of Crimes.

“Pinapaalalahanan ko ang ating mga kababayan na siguraduhing iparada ang kanilang mga motorsiklo sa ligtas na lugar dahil hindi na bago ang modus na ito at marami na din ang nabiktima ng ganitong gawain. Pinapayuhan ko din ang mga bumibili ng mga secondhand na mga sasakyan sa pamamagitan ng online na mag-ingat at maging mapanuri,” pahayag ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Remus B Medina.