4 Indian nat’ls nagparte-parte sa P20K ng kababayan, timbog
HULI sa akto ng Malaysian national ang kasama niya sa trabaho na Indian national na ninenok ang kanyang P20,000 cash sa loob ng opisina nila noong Linggo sa Paranaque City.
Nakita pa ng biktimang si alyas Ting kung paano pinaghati-hatian ng apat na suspek na sina alyas Reza, 28; Hendra, 34; Kepri, 30; at Yoga, 23 ang ninenok nilang salapi kaya humingi ng tulong sa security personnel ng kanilang kompanya na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, dakong alas-10:00 ng gabi nang bumaba sa gusali ng kanilang kompanya sa Brgy. Tambo, Paranaque City ang biktima upang kunin ang ipina-deliver niyang pagkain.
Pagbalik niya, noon niya nasaksihan si alyas Hendra habang kinukulimbat ang kanyang pera bago pinag-partehan nilang magkakasama.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa Police Sub-Station 2 sa mga naarestong suspek ang ninenok na salapi na kanilang pinag partehan ng tig-P5,000 bawat isa.
Napag-alaman kay Paranaque police chief P/Col. Melvin Montante na pawang mga ahente ang mga suspek at biktima na ang trabaho ay mangalap ng mga dayuhan din na mamumuhunan sa kanilang kompanya.