4-anyos patay, mag-ama sugatan sa pamamaril

June 10, 2022 Melnie Ragasa-limena 479 views

ISANG apat na taong gulang na batang lalaki ang nasawi habang sugatan naman ang kaniyang kapatid at ama nang paulanan ng bala ng baril ang kanilang tahanan ng dalawang kalalakihan na nakasakay sa isang motorsiklo sa Quezon City, nitong Biyernes ng umaga.

Ang paslit na nasawi at sugatan naman niyang kapatid at tatay ay naninirahan sa Jordan Plains Subdivision, Bgy., Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Sa report ng Pasong Putik Proper Police Station 16 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 10:50 ng umaga, Hunyo 10 nang maganap ang insidente sa tahanan ng mga biktika sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Runald Ceniza, nakatayo umano ang ama ng mga biktima sa harapan ng gate ng kanilang tahanan nang sumulpot ang dalawang lalaki na magka-angkas sa itim na Enduro motorcycle.

Agad na bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinaputukan ng ilang ulit ang tatay na nakatakbo pa sa loob ng kanilang tahanan at mabilis na isinara.

Ngunit pumasok pa rin sa loob ng gate ang mga salarin at niratrat ang tahanan ng mga biktima at tinamaan ang dalawang batang anak nito na noon ay natutulog.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ang mga biktima sa Commonwealth Hospital subalit binawian ng buhay ang biktimang apat na taong gulang pa lamang bandang 11:41 ng umaga, ayon kay Dr. Noli Rifareal.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril upang matukoy ang mga salarin.