Allan

3rd Gold ni Carlos Yulo

August 7, 2024 Allan L. Encarnacion 106 views

HABANG hindi tayo magkamayaw sa saya dahil sa dalawang ginto na nasungkit ni Carlos Yulo sa Paris Olympics, pinagpipistahan naman sa social media ang ang away niya sa kanyang ina.

Ito iyong sinasabi sa Ingles na, “You cant have the best of both worlds.” Walang paglagyan ang nag-uumapaw na saya ni Caloy dahil sa pagguhit niya sa bagong kasaysayan ng bansa sa pagkuha ng dalawang ginto sa pinakamalaking paligsahan galing at lakas ng buong mundo.

Nakaka-inspire din naman talaga na marinig ang national anthem ng Pilipinas na dumagundong sa arena ng Paris sa pagkakapanalo ni Caloy ng ginto. Nagbigay ito ng inspirasyon at bagong sigla sa ating lahat sa harap ng katatapos na kalamidad.

Sa isang banda, pinagtatayo ng bantayog ng ating mga kababayan ang tagumpay ni Caloy bilang papuri samantalang sa kabilang banda naman ay pangangantiyaw at pang-aalipusta ang inaabot ng kanyang nanay mula sa mismong mga taong singing halleluya para sa gold medallist.

Hindi natin masisi ang ibang netizens dahil ganyan naman talaga ang magiging senaryo matapos ang tinamong panalo ni Caloy dahil sa away ng magnanay. Habang papalapit na ang pagbabalik ni Caloy sa bansa at naghihintay ang hero’s welcome sa kanya, tiyak na mas lalo pang titindi ang pagbanat ng publiko sa kanyang nanay, lalo na’t nagsasalita na naman ito sa social media.

Ang totoo, hindi magandang pagsabungin ang magnanay sa gitna ng selebrasyon ng bayan. Ang tingin kong makapapapahinto sa banat sa nanay ay ang mismong anak na si Caloy. Iyong tinatawag na “magnanimous in victory” ay angkop na angkop para kay Caloy.

Ito ang tiyansa na sagipin ni Caloy ang kanyang nanay laban sa mga banat at masasakit na pananalita ng publiko. Hindi natin alam ang puno’t dulo ng away ng mag-ina subalit doon ako titingin na “ginintuang relasyon” bilang anak at bilang ina.

Walang makabubura sa katotohan na hindi makakapili ng anak ang ina at ganoon din naman ang puwedeng sabihin ng anak. Subalit walang puwedeng humigit pa sa relasyon nilang dalawa.

Nakatingin ang bayan ngayon kay Caloy at tinitingnan siya ng mga lahat bilang isang idolo. Hindi naman mababawasan ang kanyang tagumpay kung siya na mismo ang magpapakumbaba at lumapit sa kanyang ina. Kung may naging pagkakamali man ang ina, hindi makasasapat ang anumang salita para maibalik ang anumang pagkakamali.

Kailangan ni Caloy na ipakita sa publikong nakatingin sa kanya kung paano talaga ang tamang paraan para manalo nang parehas.

Dalawang ginto na ang dala ni Caloy sa kanyang pagbabalik sa bansa. Kailangan niyang masungkit ang pagmamahal at pakikipagkasundo sa kanyang ina dahil yan ang ikatlong ginto na hindi matutumbasan ng kahit anong tagumpay sa mundo.

Go Caloy, sungkitin mo ang iyong 3rd Gold na naghihintay sa iyo dito sa ating bansa—ang iyong ina. Yakapin mo siya, hagkan mo siya at ialay mo ang iyong panalo sa mismong taong unang kumarga sa iyo bago pa ang nakabibinging hiyawan ng publiko dahil sa iyong panalo.

[email protected]