Calabarzon

3rd CALABARZON Culture Summit isinagawa sa Batangas

October 15, 2023 Jojo C. Magsombol 587 views

GINANAP noong Oktubre 10-11 ang 3rd CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Culture Summit na hatid ng CALABARZON Regional Development Council (RDC) Sub-Committee on Culture (SCC) sa Provincial Capitol Compound, Batangas City.

Pinangunahan nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis, bilang kinatawan ni Governor Hermilando Mandanas, at acting Vice Governor at 5th District Senior Board Member Maria Claudette Ambida ang okasyon.

Ginanap ang okasyon sa pakikipagtulungan sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO).

Layunin ng summit na itaas ang kamalayan sa kultura at pamana sa rehiyon sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na stakeholders ng CALABARZON.

Hinati sa tatlong bahagi ang dalawang araw na programa na may mga temang “Panata, Pagpino at ang Paglalakbay.”

Nakapailalim ang unang araw ng summit sa gabay ng isang “Panata,” isang workshop kung saan tinalakay ang CALABARZON Culture, Arts and Values, gayundin ang pagbuo ng Development Plan Roadmaps na susubukang maisagawa sa rehiyon simula ngayong taon hanggang 2028.

Patungkol sa mga hakbangin at programang isinasagawa ng bawat local culture and arts council mula sa mga lalawigan ng CALABARZON ang ikalawang araw ng programa na hango sa temang “Strengthening Local Culture and Arts Councils for Advanced Culture Development.”

Nagbahagi ang ilang mga Batangueño ng kaalaman kung paano ginagawa ang “nilupak,” hanggang sa paghahain sa bawat indibidwal na nakiisa sa summit.

Nagwakas ang summit sa isang masining na pagtatanghal at pagsayaw ng panata ng Subli.

Bumisita at naglibot sa kapitolyo at Museo ng Batangas ang mga panauhin bilang bahagi ng sama-samang paglalakbay sa anyo ng cultural tour.

AUTHOR PROFILE