34 sugarol dinampot sa QC
DINAMPOT ng mga awtoridad ang 34 sugarol sa pinaigting na kampanya laban sa lahat ng uri ng iligal na sugal sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), ang Novaliches Police Station (PS 4) na pinamumunuan ni PLt. Col. Richard Ian Ang, ang may pinakamaraming naarestong sugarol na umabot sa 20.
Nagsasagawa umano ng illegal cockfighting o tupada ang mga suspek nang maaresto ng mga awtoridad.
Dakong alas- 9:30 ng umaga nitong Lunes, nang maaresto ang anim na mga sugarol sa 136 P. Dela Cruz St., Brgy. San Bartolome, at nakumpiskahan ng dalawang panabong na manok, dalawang piraso ng tari at pustang P5,120.
Ang 11 pang suspek ay naaresto naman sa isang bakanteng lote sa 52 Damong Maliit St., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, at nakumpiskahan rin ng dalawang panabong na manok, isang pares ng tari at bet money na P24,650.
Tatlo naman ang naaresto sa Kawayanan, Nitang Ave., Brgy. Gulod, Novaliches, at nakumpiskahan ng dalawang panabong na manok, tari at bet money na P3,870.
Samantala, naaresto naman ng Talipapa Police Station (PS 3) na pinamumunuan ni PLt. Col. Cristine Tabdi ang tatlong suspek habang naglalaro ng cara y cruz sa Ambuclao, Brgy. Baesa, at nakumpiskahan ng mga pamustang pera na P603.
Nadakip rin ng Batasan Police Station (PS 6) na pinamumunuan ni PLt. Col. Alexy Sonido ang tatlong nagtutupada sa Kapalaran St., Brgy. Commonwealth, at nakumpiskahan ng dalawang panabong na manok, tari at bet money na P300.
Apat na suspek ang naaresto ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) na pinamumunuan ni PLt. Col. Roldante Sarmiento sa Jubilee St., Brgy. Bagong Silangan, habang nagtutupada rin at nakumpiskahan ng dalawang panabong na manok, mga tari at bet money na P550.
Nagkaka-cara y cruz naman ang apat na lalaki, na kinabibilangan ng tatlong menor de edad, nang maaresto ng Galas Police Station (PS 11) na pinamumunuan ni PLt. Col. Elizabeth Jasmin sa No. 2 Mazaraga St., kanto ng Kaliraya St., Brgy. Tatalon, at nakumpiskahan ng P200 bet money.
Ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa P.D. 1602 (Illegal Gambling).