Default Thumbnail

3 ‘tulak’ timbog sa P.4M shabu sa Malabon

March 2, 2023 Edd Reyes 196 views

MAHIGIT P.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa tatlong tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation Huwebes ng madaling araw sa Malabon City.

Sinabi ni Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro na halos isang linggo ring minatyagan ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang aktibidad ng mga nadakip na suspek bago ikinasa ang buy-bust operation laban sa kanila dakong alas-4 ng madaling araw sa kanto ng Salmon at Salinas Streets sa Barangay Longos.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/Brigadier Gen. Ponce Rogelio Penones, Jr. sinabi ni Daro na napabilang na sa “high-value individual” (HVI) ng pulisya ang isa sa mga suspek bagama’t kamakailan lamang nalagay ang kanyang pangalan, kasama ang dalawa niyang kasabwat, sa talaan ng mga “drug pusher” sa lungsod.

Nadakip ang tatlo nang magsabwatan sa pagbebenta ng shabu na nagkakahalaga ng P11,500 sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa kanila ang tinatayang 65.2 na gramo ng shabu na may kabuuang halagang P442,360, isang cellphone na kanilang gamit sa ilegal na transaksiyon at ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang P500 tunay na salapi at 11-piraso ng P1,000 boodle money.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Malabon Police SDEU ang mga nadakip na suspek habang inihananda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanila sa piskalya ng Malabon City.

AUTHOR PROFILE