3 ‘tulak’ dinakma sa Caloocan buy bust
TATLONG suspek sa pangangalakal ng iligal na droga ang dinakma ng mga pulis nang pagbentahan ng shabu ang isang poseur-buyer noong Sabado sa Caloocan City at masamsaman ng mahigit P700,000 halaga ng shabu.
Ayon sa ulat, ilang linggo ng minamanmanan ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles ang ilegal na aktibidad ng mga drug suspek.
Nang makipag-transaksiyon ang tatlo sa pulis na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) dakong alas-11:29 ng gabi sa Torsillo St. Brgy. 28, doon na sila tinimbog ng mga pulis.
Nakumpiska mula sa mga suspek na sina alyas Manny, 54; alyas Toda, at alyas Merly, 41, ang 112 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P761,600, markadong salapi at anim na bogus na P1,000.
Nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng Caloocan Police SDEU habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) laban sa kanila sa Caloocan City Prosecutor’s Office.