3 Tsino hinarang sa NAIA dahil sa ‘nakawan’ sa loob ng eroplano
KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagharang sa tatlong Chinese na sangkot sa insidente ng pagnanakaw habang nasa byahe patungong Maynila.
Ayon kay BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado, ang tatlong lalaki na kinilalang sina Lyu Shuiming, 48; Xu Xianpu, 41; at Xie Xiaoyong, 54 ay hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 15.
Ito ay makaraang mapag-alamang nagnakaw ng handbag sa isang flight ng Philippine Airlines mula Kuala Lumpur.
Nahuli umano si Lyu gayundin ang iba nyang kasama sa aktong magnakaw ng isang hand bag at P 63,000 na pera na pag-aari ng isang babaeng hukom na nagbibiyahe kasama ang dalawang abogado.
Binuksan umano ni Lyu ang overhead stowage bin para kunin ang bag na pag-aari ng judge.
Siya ay natagpuan ng mga tauhan ng eroplano na hinalungkat ang mga personal na gamit ng hukom, at kinuha ang mga mahahalagang bagay na natagpuan niya sa loob.
Ang tatlo ay iniulat na nagpapalipat-lipat sa Pilipinas mula Malaysia patungo sa Hong Kong.
Napag-alamang may valid visa si Lyu para makapasok sa Pilipinas.
Agad na inaresto ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) si Lyu, habang sina Xu at Xie ay sumakay sa isang outbound flight.
Ang tatlo ay inirekomenda na isama sa blacklist ng BI.
Sinabi ni BI officer in charge Joel Anthony Viado na patuloy silang makikipagtulungan sa mga airline at airport security para mamonitor ang mga galaw ng mga dayuhan na maaaring miyembro ng isang gang.
Pinasalamatan ng BI Chief ang airline staff at ang PNP AVSEGROUP sa kanilang pagiging maagap at tulong sa kaso.
“Hindi kami papayag na mabiktima ng mga ganitong uri ng dayuhan ang ating kababayan,” ani Viado. “Ang BI ay patuloy na susubaybayan ang pag-usad ng kasong ito, at i-blacklist ang sinumang iba pang miyembro na maaaring matagpuan,” dagdag niya.