
3 tirador ng vape shop tiklo
TATLO sa anim na suspek sa pangnenenok ng mga vape shop na nakapagtangay na ng milyon-milyong salapi at produkto ang nadakip ng pulisya sa Quezon City.
Batay sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, hinoldap ng anim na armadong holdaper ang vape shop nina Prince, 26, at Czarhena, 25, sa Del Rosario St. Brgy. Marulas, dakong ala-1:50 ng madaling araw noong Martes matapos magpanggap na kostumer.
Tumakas ang mga suspek sakay ng Toyota Fortuner at tangay ang mahigit P2.4 milyong halaga ng cash, disposable vape, gadgets at relos na pag-aari ng vape shop.
Nang humingi ng tulong ang mga biktima sa pulisya, kaagad na bumuo ng isang team si Col. Destura na pinamunuan ni P/Maj Randy Llanderal, Assistant Chief of Police for Operation, kasama ang mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) at Station Intelligence Section (SIS) na dahilan para matunton kaagad ang may-ari ng sasakyang ginamit ng mga suspek.
Natuklasan na inarkila lamang ng mga suspek sa isang alyas “Vincent” ng Novaliches, Quezon City ang sasakyan na may GPS noong Disyembre 4 at nakatakda dapat isauli kinabukasan.
Sa tulong ng may-ari ng Toyota Fortuner, natunton ang sasakyan dakong alas-3:30 ng hapon sa Harvard St. Cubao, Quezon City na minamaneho ng suspek na si alyas Hermoso, 37, ng Cupang, Antipolo City, kasama ang isa pang suspek na si alyas Gascon, 38, ng 18th Avenue, East Rembo, Taguig City.
Nadakip ang ikatlong suspek na si alyas Fresto, 32, ng Villa Silva Palatiw, Pasig City nang ituro ng dalawa.
Nabawi sa kanya ang produkto ng vape na nagkakahalaga ng P304,800.