
3 tiklo sa boga, bala sa San Juan
KAMPO GENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Arestado sa mga pulis ang tatlong lalaki nang mahulihan ng mga baril at bala sa checkpoint sa Bgy. Buhaynasapa, San Juan, Batangas.
Ayon sa ulat ni Batangas Police Provincial Director Col Samson Belgica Belmonte kay Police Regional Office Calabarzon Director Police Brigadier General Carlito M. Gaces, nakilala ang dalawa sa mga suspek na sina Jose Escubio at Jonald Jabonero,
Sakay ang tatlong suspek ng Isuzu Crosswind (XLC 989) nang masundan ng mga pulis at na-flag down sa checkpoint ng San Juan MPS at sinuri.
Narekober ng mga operating team ang isang Isuzu Crosswind XUVi, isang M1911 cal. 45 pistol, isang cal. 45 pistol, isang Armscor cal. 45 pistol, 25 live ammo, apat na magazine lahat para sa tatlong handgun, isang improvise cal .22 assembly, dalawang hand grenades, blasting cap, isang magazine para sa cal. 5.56, isang wig, samu’t saring damit, walong sari-saring cellphone, ilang ID, laptop, charger, iba pang personal hygiene kits, P13,500 sa iba’t ibang denominasyon at sari-saring subersibong dokumento.