3 suspek na tulak huli, P1.5M shabu nasamsam sa Laguna
UMABOT sa mahigit P1.56 milyon na halaga ng shabu ang narekober ng Cabuyao Police Drug Enforcement Team mula sa tatlong drug personalities na natiklo sa buy-bust noong Biyernes sa Brgy. Casile, Cabuyao City, Laguna.
Sa report ng Cabuyao police kay Laguna police provincial director P/Col. Gauvin Mel Unos, kinilala ang tatlong suspek na sina alyas Anselmo, alyas Raquel at alyas Nicko.
Kabilang sa mga narekober sa mga nahuli ang 120 gramo ng shabu na may standard price na P816,000 at 100 gramo pa na may standard price na P680,000.
Nabawi rin kay alyas Nicko ang 10 gramo ng shabu na may halagang P68,000. Nabawi rin sa mga suspek ang isang Skygo motorcycle at buy-bust money.
Mahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs ang tatlong suspek na kasalukuyang nakapiit sa Cabuyao police jail.