
3 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Caloocan
PINASOK ng apat na armadong lalaki diumano ang bahay ng 51-anyos na welder at kaagad na namaril na dahilan ng kamatayan ng tatlo katao, kabilang ang isang 15-anyos na batang babae, at pagkasugat na isa pang menor de edad na estudyanteng babae, Martes ng gabi sa Caloocan City.
Sa kanyang isinumiteng ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/MGen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones, Jr. sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta na ang mga biktimang nasawi ay may edad na 51 at 54, at isang 15-anyos na estudyante.
Kasalukuyan pang nakaratay sa Caloocan City Medical Center ang 17-anyos na babae ring estudyante na may daplis na tama ng bala sa leeg.
Sa pang-unang pagsisiyasat nina P/SSgt. Rodolfo King Bautista at P/SSgt. Niño Paguirigan ng Homicide Section ng Caloocan police, natutulog na ang mga biktima sa loob ng kanilang tirahan sa Barangay 40 nang dumating ang apat na suspek dakong alas-11:30 ng gabi, sakay ng dalawang motorsiklo.
Nakita pa ng 17-anyos na anak na lalaki ng welder ang mga suspek na nagtanong kung nasaan ang kanyang ama hanggang makarinig na siya ng sunod-sunod na putok ng baril na dahilan ng agarang pagkamatay ng welder at 54-anyos na biktima na tinamaan lang ng ligaw na bala habang natutulog sa katabing silid na dingding lang ang pagitan.
Nahagip din ng bala ang dalawang batang babaeng estudyante na kaagad na isinugod ng mga nagrespondeng barangay sa pagamutan subalit nasawi rin ang 15-anyos na biktima dakong alas-12:04 na ng madaling araw ng Miyerkules. Tumakas ang mga salarin patungo sa Rizal Avenue Ext. matapos ang pamamaslang.
Sinabi ni Lacuesta na tukoy na nila ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek na itinago muna sa mga alyas na “Alvin” at “Boknoy” na kasalukuyan ng tinutugis ng pulisya habang may impormasyon na rin ang mga imbestigador sa motibo ng pagpaslang.
Sinabi ni Lacuesta na tanging ang welder lamang ang target ng mga salarin at nadamay lamang ang tatlo pang biktima matapos tamaan ng bala dahil manipis lamang ang dingding na pagitan ng kanilang tinutulugan.
Nakilala ang dalawa sa apat na suspek mula sa mga larawang ipinakita ng pulisya sa anak ng welder, na pawang nasangkot na sa iba pang krimen habang personal na alitan ang posibleng dahilan ng pamamaslang matapos umanong magkaroon ng matinding away sa pagitan ng welder at hinihinalang utak sa krimen na nauwi pa sa paghaharap sa barangay.