Default Thumbnail

3 parak na sangkot sa pagnanakaw sinibak ng PRO 3 chief

October 6, 2023 Bernard Galang 275 views

CAMP Olivas, City of San Fernando, Pampanga–Iniutos na ni Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. ang pagsibak sa tatlong pulis na umano’y sangkot sa pagnanakaw na umabot sa P2 milyon at Rolex na relo sa Olongapo City noong Setyembre 5.

Ayon sa isang preso sa Olongapo City District Jail, naganap ang pagnanakaw nang pilitin ng mga pulis ang kanyang live-in partner na ibigay sa kanila ang G-Cash pin number habang sila ay nasa loob ng itim na SUV.

Nang malaman ng mga pulis na walang laman ang G-Cash account, pinilit ng mga pulis ang biktima na sabihin kung saan nakatago ang kanilang pera na galing sa pinagbentahan ng iligal na droga kapalit ng kanyang paglaya.

Dahil sa pamimilit, napilitan ang live-in partner na sabihin na sa Bgy. New Cabalan, Olongapo City sila nakatira.

Tinanong ng mga pulis kung may CCTV camera ang kanilang tirahan pero dahil sa takot ng live-in partner niya, sinabi nito na walang surveillance camera ang kanilang bahay.

Nang marinig ito ng mga pulis, agad na nagtungo ang mga ito sa tirahan ng mga biktima.

Makalipas ang dalawang oras, bumalik ang mga pulis sa kanilang sasakyan na may bitbit na isang bag.

Kalaunan, nagtungo sa Olongapo police station 4 ang kaanak ng biiktima para ireklamo ang nawawalang P1 milyon na cash, 11 pares ng sapatos, isang Rolex watch na nagkakahalaga ng P1 milyon at mga grocery items na nagkakahalaga ng P25,000.

Nabatid din na pinasok ng mga pulis ang bahay ng mga biktima nang walang search warrant.

AUTHOR PROFILE