Default Thumbnail

3 napagkamalang ‘Marites’, sinaksak

February 10, 2023 Melnie Ragasa-limena 228 views

SUGATAN ang tatlong miyembro ng pamilya matapos saksakin ng samurai ng kanilang kapitbahay sa Novaliches, Quezon City.

Ang suspek ay nakilalang si Rodrigo Erado, nasa hustong gulang, at residente ng Karatig 2, Doña Faustina, Magsaysay Ext., Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Kinilala ang mga biktima na sina Marites Hitosis Macasogot, 52; Jonas Hitosis Macasogot, nasa hustong gulang, at Froilan Balanaza Macasogot, nasa hustong gulang, pawang kapitbahay ng suspek sa nasabing barangay.

Sa naantalang report ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4, bandang 9:00 ng umaga noong Pebrero 7, nang maganap ang insidente sa harapan ng tahanan ng suspek sa Novaliches.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Marlon Garcia, naglalakad umano ang mga biktima at nang mapadaan sa harapan ng tahanan ng suspek ay bigla na lamang silang pinagsasaksak ng samurai.

Nabatid na may matagal nang alitan ang mga biktima at ang suspek.

Hinihinalang naghinala umano ang suspek na siya ang pinag-uusapan o ‘Marites’ ng mga biktima habang naglalakad dahil napapatingin umano ang mga ito sa kaniya.

Ang ‘Marites’ ang sikat na tawag ngayon sa mga nag-uusap at nagtatanungan ng ‘Mare, what’s the latest?’

Dahil dito ay agad na kumuha ng samurai ang suspek at nang malapit na sa kaniyang tahanan ang magkakamag-anak ay agad niya itong pinagsasaksak.

Matapos ay mabilis na tumakas ang suspek dala ang samurai habang isinugod naman sa Novaliches District Hospital ang mga biktima kung saan patuloy pa silang inoobserbahan.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad labas sa suspek.