Default Thumbnail

3 MWPs nasakote ng Batangas police

May 10, 2023 Jojo C. Magsombol 179 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Tatlong tinaguriang “most wanted persons” (MWPs) sa probinsya ng Batangas ang naaresto sa iba’t-ibang kaso Martes, Mayo 9 ng Batangas police force, ayon sa ulat ni Batangas Police Provincial Office (BPPO) Provincial Director P/Col. Pedro D. Soliba kay Police Regional Office (PRO) Calabarzon Regional Director P/BGen. Carlito M. Gaces.

Unang nahuli ng mga operatiba Nasugbu Municipal Police station (MPS) kasama ang Provincial Intelligence Unit (PIU) at 2nd Batangas Mobile Force Company (BMFC) ang isang 40 taong-gulang na MWP sa municipal level at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Putat, Nasugbu, Batangas.

Ang suspek ay dinakip sa kasong frustrated murder na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Fourth Judicial Region, Branch 14 ng Nasugbu, noong Nobyembre 18, 2014.

Sumunod namang nadakip ang isang 46-anyos na suspek na tubong Corcuera, Romblon at residente ng Bgy. Sapangan, San Juan, Batangas sa isinigawang operasyon ng mga operatiba ng Batangas City Police Station sa pangunguna ni Police chief O/Col. Dwight F. Fonte, Jr. katuwang ang grupo ng PIU sa kasong rape.

Ang warrant of arrest para sa akusado ay inilabas ng RTC Br. 1 ng Batangas City noong Set. 20, 2006 at walang inirekomendang piyansa at nakatala na MWP sa regional level.

Naaresto ng mga operatiba ng Calaca MPS at Regional Mobile Force Batallion (RMFB) ang isang empleyado sa banko, 30, at residente ng Lumbang Calzada, Calaca City, Batangas na rank no.1 most wanted sa provincial level sa kasong 59 counts of qualified theft Art. 310 of RPC.

Ang warrant of arrest ay inilabas ng RTC 66, ng Makati City noong Mayo 8, 2023 na may inilagak na P2.3 milyong piyansa.

“Sinisigurado ng kapulisan ng Batangas na ang mga nagkasala sa batas ay mahuhuli at malalapatan ng karampatang parusa at pinupuri ko ang mga operatiba ng nabanggit na unit sa kanilang matagumpay na pagkakahuli sa mga akusado,” idineklara ni Soliba.

AUTHOR PROFILE