Default Thumbnail

3 menor de edad timbog sa ‘damo’ sa Talavera

May 21, 2023 Steve A. Gosuico 205 views

TALAVERA, Nueva Ecija — Arestado ang tatlong menor de edad sa isinagawang buy-bust operation kung saan nakumpiska umano sa kanila ng mga awtoridad ang limang plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng P1,500, sinabi ng pulisya dito.

Sinabi ni Police head Major Domingo A. Resma Jr. na ang mga naarestong menor de edad na pawang mga residente ng Bgy. Dolores, Santo Domingo, Nueva Ecija ay nahuli sa Bgy. Pagasa alas-7 p.m. nitong Sabado.

Sinabi ni SMSgt. Marvin V. Verde, imbestigador sa kaso, inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 laban sa tatlong batang suspek para sa inquest-filing sa tulong ng municipal social welfare and development office dito sa provincial prosecutor’s office sa Cabanatuan City.

Samantala, dalawa pang hinihinalang nagbebenta ng droga ang nahuli sa isinagawang drug sting sa Bgy. Rajal Centro, Santa Rosa bandang 11 p.m.

Sinabi ni police head Major Neilmar T. Retana na inaresto ng kanyang mga tauhan ang dalawang suspek, na nakuhanan ng tatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P4,000, buy-bust money na P1,000, isang mobile phone at isang Yamaha Mio motorcycle na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa kanilang iligal na gawain.

Sa hiwalay na operasyon na isinagawa sa Zaragosa, na-buy-bust ng mga anti-illegal drug operatives ang dalawang lalaking suspek na nagbebenta sa kanila ng P2,000 halaga ng shabu sa Bgy. Sto. Rosario Young alas-4:30 ng umaga ng Sabado.

Nasamsam din sa dalawa ang shabu na tumitimbang ng 0.3 gramo na nagkakahalaga ng P8,800, sabi ni hepe, Major Ronnie G. Caagbay.

AUTHOR PROFILE