3 matataas na opisyal ng NPA arestado sa Gensan

January 31, 2023 Zaida I. Delos Reyes 196 views

TATLONG matataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) kabilang ang dalawang babae ang naaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar sa kanilang operasyon sa General Santos City.

Ito ang kinumpirma nitong Martes ni LTC Abdurasad D. Sirajan, spokesperson ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (Westmincom).

Ayon kay Sirajan, ang unang naaresto ay may alyas na “Travis,”; “Inigo,”; at “Ka Er,” – na 3rd Deputy Secretary ng Far South Mindanao Region (FSMR) at lider ng Sentro de Grabidsd (SDG), Guerilla Front 53, Southern Mindanao Committee.

Naaresto ang rebelde sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rebelyon ng mga tauhan ng 1st Mechanized Brigade at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 12, Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 12, at iba pang unit ng pulisya.

Naaresto rin ng puwersa ng gobyerno si “Presentacion” sa kasong paglabag sa RA (Republic Act) 6988 at “Ruben” na nahaharap naman sa kasong multiple murders at frustrated murder.

Ayon sa ulat, si Precentacion tumatayong pinuno ng Komiteng Rehiyonal Panay (KR-Panay) habang si Ruben ang siyang secretary ng National Propaganda Commission at dating NFC Secretary ng Panay Regional Party Committee (PRPC). Siya rin ay kilalalang consultant ng National Democratic Front (NDF).

Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng limang M16 rifles, isang M14 rifle, isang carbine rifle, iba’t-ibang electronic devices, propaganda materials, personal na gamit, at mga war materials.

Ang mga naarestong personalidad at mga nakumpiskang armas ay dinala sa tanggapan ng CIDG 12 sa Camp Fermin J. Lira, Dadiangas North, General Santos City para sa kaukulang disposisyon.

Pinuri naman ni Wesmincom chief Lt. Gen. Roy Golido ang tropa ng ilitary gayundin ng mga pulis sa matagumpay na operasyon laban sa mga rebelde sa lugar.

“This success is a testament to the positive result of good interagency collaboration and cooperation. I am pleased to hear the news that three high-value individuals of the communist terrorist group fell into the hands of the government forces. We expect that their followers will come out soon,” pahayag ni Golido.