3 magbabarkada, sugatan matapos ratratin ng dating kaaway

September 28, 2022 Edd Reyes 126 views

SUGATAN ang tatlong magkakabarkada nang pagbabarilin ng dalawang lalaking matagal na umano nilang kaalitan sa Malabon City.

Kaagad na isinugod ng kanilang mga kaanak sa pagamutan ang mga biktima na pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Ang dalawang biktima ay kasalukuyang nakaratay sa Tondo Medical Center habang ang isa naman ay inilipat sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, pinapanood ng isang biktima ang paglalaro ng chess ng mga kaibigan noong Lunes ng dakong alas-11:30 ng gabi nang biglang dumating ang mga suspek na kapwa armado ng baril at biglang niratrat ang mga biktima.

Sa kabila ng tinamong sugat, nagawa pang makatakbo ang mga biktima na dahilan upang tumakas na ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na direksiyon.

Araw ng Martes ng sampahan ng kasong frustrated murder ng pulisya ang mga suspek matapos mabigo ang kapulisan na madakip sila sa ginawang follow-up operation.

AUTHOR PROFILE