Default Thumbnail

3 kelot tiklo sa shabu

July 2, 2023 Jonjon Reyes 210 views

TATLONG lalaki, kabilang ang isang seaman, ang naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District-Malate Station 9, dahil sa pagbebenta ng shabu noong Biyernes ng gabi sa Taft Avenue malapit sa panulukan ng Pablo Ocampo St., Malate, Manila

Nakilala ang tatlo sa mga palayaw na “Alexis,” 43; “Alexander,” 23, kapwa binata, at si Nathan, 47, may asawa at isang seaman.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, Station 9 commander, nahuli ang mga suspek matapos kunin ng isa sa kanila ang markadong P500 na may ultra-violet powder bandang 7:50 ng gabi noong Biyernes.

Sakay ng gray na Toyota Vios ang mga suspek nang isagawa ang transaksyon sa bentahan ng droga, ayon sa opisyal.

Nakasamsam ang mga pulis ng tatlong piraso ng hinihinalang “shabu” na nakalagay sa transparent plastic sachets na tumitimbang sa 3 gramo at nagkakahalagang P20,400.

Nabatid kay Tangdol na habang pinaiiral nila ang programa ni District Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon ang “Oplan Galugad ” at Simultaneous Anti- Criminality Law Enforcement Operation ipagpapatuloy nila ang puspusang aksiyon upang masugpo ang droga sa kanilang area of responsibility.

Matapos maaresto, dinala sa Ospital ng Maynila ang mga nasakote para isailalim sa medical examination.

Kasalukuyang nakakulong sa presinto ang tatlong suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Article ll ng Republic Act 9165.

Bukod sa shabu at buy-bust money, kasama ang Toyota Vios sa ebidensiyang kanilang hinarap sa duty inquest fiscal.

AUTHOR PROFILE