3 dedo natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila
BINUBUSISI ng mga awtoridad ng Manila Police District (MPD) kung may kaugnayan umano sa sakit na COVID-19 ang dalawa sa tatlong biktimang natagpuan sa Quiapo at Sampaloc, Maynila, iniulat ng pulisya.
Halos magkakasunod na inireport ang mga nakitang biktima kung saan unang naitala sa Quiapo ang isang Violeta Dasal, 49, na umano’y palaboy, nang bandang 2:30 ng madaling araw sa gilid ng Metrobank Building sa Carlos Palanca Sr. Street sa Quiapo.
Bandang 3:15 naman ng madaling araw na matagpuang wala nang buhay sa harap ng Extreme Photo Shop sa Hidalgo St. sa Quiapo ang isa pang hindi pa nakikilalang lalaki na nasa pagitan ng edad 60 hanggan 70-anyos, maitim at payat ang pangangatawan, at sinasabing madalas sa bangketa ito natutulog.
Samantalang dakong 2:30 ng hapon nang madiskubreng patay ang biktimang si Nestor Nieves, 63-anyos sa isang silid sa Sampaloc, Manila bandang J. Figueras St.
Batay sa pulisya, huling nakitang buhay si Nieves ng bandang 3:00 ng hapon at nagrereklamo umano ito nang pananakit ng tiyan.
Wala namang nakitang sugat sa katawan ang mga biktima.
Dahil dito, ang tatlong bangkay ay nasa pangangalaga ng Cruz Funeral Morgue at may posibilidad na ipa-autopsy para malaman kung ano ang naging sanhi ng kanilang kamatayan.