
3 Chinese nat’ls timbog sa pagkulong sa sariling kababayan
NAILIGTAS ng pulisya ang isang Chinese national na puwersahang ikinulong sa isang silid ng tatlo niyang kababayan Biyernes ng umaga sa Parañaque City.
Sinalakay ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station ang tinutuluyang silid ng mga dayuhan sa isang building sa Barangay Tambo, dakong alas-6:50 ng umaga na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong Chinese nationals at pagkakasagip sa kanilang biniktima.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft ang mga nadakip na dayuhan na sina Zhao Yinggang, 37; Yan Chao, 28; at Jiang Yin, 28, pawang mga Chinese nationals, 28, at nagtatrabaho umano bilang mga encoder.
Batay sa ulat, nagtungo sa tanggapan ng Tambo Police Sub-Station ang 29-anyos na babaeng Chinese national na si Sun Shuangshung upang isumbong ang ginawang pagkulong sa biktimang si Li Hao, 28, upang mapuwersang magbigay ng hindi nabatid na halaga ng salapi.
Inihahanda na ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station ang mga dokumento para sa paghahain ng kaukulang kaso laban sa mga nadakip na suspek habang ipinabatid na rin sa embahada ng China ang pangyayari na isa sa umiiral na panuntunan sa pagdakip sa mga dayuhan.