Default Thumbnail

3 Chinese nat’ls timbog sa ‘pagdukot’ sa kababayan

July 22, 2022 Jonjon Reyes 313 views

LIMANG indibidwal kabilang ang tatlong Chinese nationals ang naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Police Station 5 dahil sa pagdukot sa tatlo nilang kababayan.

Mahaharap sa kasong kidnap for ransom (Art 267, RPC) at Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act (RA 10591) ang mga naaresto na sina Wang Joe, 28; Ouyang Fuqing, 32; Chai Xin Yuan, kapwa Chinese nationals at pansamantalang nanunuluyan sa Bayfort West, panulukan ng Mabini St., at P. Gil St., Malate sa Maynila.

Arestado rin ang kanilang kasabwat na sina alyas “Querubin”, residente ng Concepcion Aguila, Quiapo at alyas “Fame”, ng Marian Park St., Martin De Forest, Parañaque City.

Ayon sa MPD-Station 5, bandang alas-10 ng gabi, Huwebes nang maaresto ang mga suspek makaraang makatanggap ng reklamo mula sa isa ring Chinese national na si Jeff Wang na kasamahan ng mga biktima na sina Yang Han, Xu Wen Yang, at Cui Shao Kun, kapwa nanunuluyan sa Malate, Maynila.

Sa reklamo ni Wang, kapwa sila nasa Remedios St., Malate kasama ang mga biktima nang dukutin ng mga suspek ang kanyang mga kaibigan at isinakay sa isang van.

Humingi ng halagang P3 milyon ransom ang mga suspek kapalit ng pagpapalaya sa mga biktima kung kaya’t agad na nagtungo si Wang sa himpilan ng pulisya para magsumbong.

Matapos matanggap ang reklamo, agad na nagsagawa ng isang entrapment operation ang mga operatiba ng MPD Station 5 sa pamumuno ni P/Lt. Col. John Guiagui kasama ang kanyang mga tauhan kabilang ang Tactical Motorcycle Rider Unit.

Samantala sa panulukan ng Mabini St. at P. Gil St., Malate namataan ni Wang ang mga suspek na agad ipinagbigay alam sa mga operatiba, kaya’t agad silang pumosisyon at daliang inaresto ang mga ito.

Nasagip naman ang mga biktima sa loob ng Toyota Hi-Ace Commuter Deluxe van na.

Ibinunyag din ng mga biktima na sila ay ikinulong sa Bayport, Parañaque ng ilang araw kung saan sila sinasaktan at hindi pinakapakain.

Sa nasabing operasyon, nakuha sa mga suspek ang isang baril at mga bala.

Nagpaabot naman ng pagbati at papuri si MPD Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco sa mga kapulisan sa maayos at mabilis na pagkakaresolba sa kaso.

AUTHOR PROFILE