Default Thumbnail

3 bus firm employees timbog sa ‘inside job’

April 19, 2022 Melnie Ragasa-limena 637 views

ARESTADO ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong babaeng empleyado ng Five Star Bus Company sa Cubao na tinuturong tumangay sa P4,760,688 halaga ng pera simula noong taong 2020.

Kinilala ni PLt. Col. Elizabeth Jasmin, ang station commander ng Cubao Police Station 7 (PS 7) ang tatlong babaeng empleyado na sina Chena Yandan-Mallari, 35, mahigit pitong taong kahera sa nasabing bus company, nakatira sa Paguiruan, Floridablanca, Pampanga; Nhelanie Ventoza-Butiong, 37, apat na taong encoder; at Jhoan Oblefias-Campos, 50, typist sa Five Star Terminal, parehong nakatira sa Talaba IV, Bacoor City, Cavite.

Samantala, ang dalawang lalaking kasabwat ay sina John Jerry Garcia Zapanta, residente ng Floridablanca, Pampanga at isa pang hindi pa nakilalang suspek.

Ayon sa report, dakong ika-1:20 a.m., Abril 16, 2022, isang robbery ang naganap sa opisina ng Five Star Bus Terminal, na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA Northbound Bgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Kaagad naman nagresponde ang kapulisan ng PS 7 upang magsagawa ng imbestigasyon.

Inimbitahan ng kapulisan sila Mallari, Butiong, at ang duty security guard na si Danilo Bulalacao upang kuhanan ng salaysay, ngunit naghinala ang mga imbestigador na may kakaibang nangyayari sa insidenteng pagnanakaw batay sa kanilang salaysay.

Kung kaya’t kumuha ang mga rumespondeng pulis ng kopya ng CCTV (closed-circuit television) camera footages sa barangay at sa nasabing establishment at doon napatunayan na hindi tugma ang kanilang salaysay noong araw ng holdapan.

Kinompronta ng mga pulis sina Mallari at Butiong at kalaunan ay umamin ang huli sa kanilang ginawa at sinabi na si Mallari ang kanilang mastermind.

Inilahad din ni Butiong na ang pera ay matatagpuan sa bahay ni Campos sa Bacoor City, Cavite.

Kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang PS 7 sa Evangelista St., Bgy. Talava 4, Cavite City na nagresulta sa pagkakarekober ng pera na nagkakahalaga ng P2,150,030.00.

Nagsagawa rin ng manhunt operation ang PS 7 sa Floridablanca, Pampanga upang mahuli si Zapanta ngunit tinimbrehan ito ng kanyang ina na kinilalang si Lilia Garcia-Zapanta, nakatira sa Bgy. Paguiruan, Floridablanca, Pampanga, dahilan upang ito ay makatakas.

Lumilitaw din sa imbestigasyon na bago pa maganap ang holdapan noong gabi ng Abril 14, 2022, palihim umanong nakatangay ang mga suspek ng humigit-kumulang P2,000,000 mula sa pang-araw-araw na koleksyon ng nasabing bus company nang hindi nalalaman ng management at pagkatapos ay dinadala at itinatago ito umano ni Campos sa kanyang tahanan sa Bacoor, Cavite.

Upang hindi matuklasan ang kanilang ginagawang pagnanakaw, nagplano ng “staged robbery” sa kanilang opisina sina Mallari, Butiong, at dalawa pa nilang lalaking kasabwat.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong qualified theft at robbery sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code samantalang si Lilia Zapanta ay mahaharap sa kasong obstruction of justice.