Default Thumbnail

3 binatilyo huli sa pagnanakaw ng bisikleta

February 10, 2023 Melnie Ragasa-limena 191 views

ARESTADO ang tatlong binatilyo nang makunan sa CCTV (closed-circuit television) camera ang ginawang pagnanakaw ng bisikleta sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Ang mga suspek ay pawang nasa edad 15, 13, at 12-anyos na residente sa iba’t-ibang lugar sa QC.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 4 Police Station (PS) 8, bandang 08:20 ng gabi (Pebrero 9), nang maaresto ang mga suspek sa Mahiyain St., Bgy. Sikatuna Village sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina PSSgt. Vivian Palpag at P/Cpl. Paul Steve T. Adolfo, ipinarada umano ng 22-anyos na lalaking biktima ang kaniyang bisikleta sa harapan ng kanilang tahanan sa Bgy. Manga Project 4.

Pero sa paglabas ng biktima upang maglaro ng basketball ay napansin niyang nawawala na ang kaniyang bisikleta kaya agad niyang inireport sa kanilang barangay officials.

Nang rebyuhin ng mga opisyal ng barangay ang kanilang CCTV footages ay nakita ang tatlong binatilyo na siyang tumangay ng bisikleta ng biktima dahilan upang sila ay arestuhin.

Narekober mula sa mga suspek ang ninakaw na fixie gear bike na nagkakahalaga ng P9,700.

Nakapiit na ang mga suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.