Kulong

3 bagets binugbog muna bago hinoldup

June 20, 2023 Melnie Ragasa-limena 287 views

ARESTADO ang dalawang lalaki kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo matapos umanong bugbugin at holdapin ang tatlong menor de edad sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ni PLt.Col. Jerry Castillo, PS 4 Station Commander, ang suspek na si Kristan Cortez, 35, at ang kanyang kinse anyos na kasabwat.

Ayon sa ulat, naglalakad ang tatlong biktima sa kahabaan ng Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City bandang 3:30 ng umaga June 18, 2023 nang lapitan sila ng mga suspek.

Walang sabi sabi umanong binugbog ng dalawang suspek ang tatlong menor de edad.

Sa kalagitnaan ng pambubugbog ay biglang bumunot ng patalim ang suspek na si Cortez at nagdeklara ng holdap.

Agad na nagtakbuhan ang mga biktima upang makatakas sa mga suspek ngunit isa sa kanila ay naabutan ng mga suspek.

Sa takot ng biktima ay agad niyang ibinigay ang cellular phone at wallet sa mga suspek.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos makuha ang cellular phone at wallet ng biktima.

Kasama ang kanilang mga magulang ay nagtungo sa Novaliches Police Station ang mga biktima upang i-report ang nangyari.

Naaresto ang mga suspek sa isang follow-up operation.