Fake Inimbistigahan ni PLt. Col. Ramon Nazario commander ng MPD Barbosa Police Stn. 14, ang mga suspek na gumagawa ng mga pekeng vaccine cards matapos na maaresto ang mga ito sa isinagawang buy-bust operation sa Quiapo, Manila. Photo by Jon-jon Reyes

3 arestado sa paggawa ng pekeng vax cards

February 2, 2022 Jonjon Reyes 172 views

DAHIL sa info-text ng isang concerned citizen, nagsagawa nang buy-bust operation ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at natimbog ang tatlong indibidwal kabilang ang may-ari ng printing press dahil sa paggawa ng mga pekeng vaccine cards sa Quiapo, Manila, Martes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Rafael Cayabyab, 41, may-ari ng Lakay Printing Services sa Quezon Blvd., Bgy. 353, Quiapo; Ricardo Lugtu, 25, binata, graphic artist at helper na si Samil Asmadi, 23, may asawa.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Ramon Nazario, commander ng MPD Barbosa Police Station 14, bandang 7:20 ng gabi, nang isagawa ang buy-bust operation batay sa sumbong na natanggap sa info-text.

Dahil dito, inatasan ni P/Lt Col. Nazario ang kanyang mga tauhan at dito tumambad ang mga pekeng vaccine cards o ID, matapos ilatag ang buy-bust operation.

Nagpanggap na magpapagawa ng vaccine card si P/Cpl. Rolly Mendaño sa halagang P500, dito na dinamba ng iba pang mga tauhan ni Nazario ang mga suspek sa Marantao Lodge sa Globo De Oro St., Quiapo.

Nabatid ng mga pulisya na binebenta ang mga pekeng vaccine card para umano magamit sa pagpasok sa istasyon ng LRT at MRT.

Kasalukuyang nakakulong na ang tatlong suspek na nahaharap sa kaukulang kaso. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE