Default Thumbnail

2K nakilahok sa NHA People’s Caravan

September 16, 2023 Jun I. Legaspi 431 views

AABOT sa 2,000 benepisyaryo ang nakilahok sa matagumpay na paglulunsad ng kauna-unahang People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa ng National Housing Authority (NHA) sa Villa de Adelaida Housing Project, Brgy. Halang, Naic, Cavite Setyembre 15, 2023.

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NHA Assistant General Manager (AGM) Alvin S. Feliciano ang aktibidad kasama sina Naic Mayor Ruperto C. Dualan at Vice Mayor Junio C. Dualan.

Sa kanyang mensahe, ipinabatid ni AGM Feliciano sa mga benepisyaryo ang kahalagahan ng caravan.

“Ito po ang kauna-unahang People’s Caravan na inilunsad ng NHA. Mapalad po ang Naic dahil kayo po ang unang binabaan ng serbisyo hindi lamang po ng NHA, bagkus iba pang ahensiya ng gobyerno. Nagsama-sama po kami para po ipaalam ang lahat ng programa at proyekto na puwedeng pakinabangan ng mamamayang Pilipino.”

Ang mga benepisyrayo sa nasabing caravan ay mula sa mga proyektong pabahay na Bronzeville 1 & 2, Bronzeville Extension, Belmont Homes 1 & 2 at Harbor Homes na tumanggap ng libreng serbisyo mula sa mga katuwang na kagawaran ng gobyerno.

Habang nakapila para sa pagsasaayos ng birth certificate ng kanyang anak, nagpahayag ng kagalakan at pasasalamat ni Reviva B. Bohol, 41, ng Villa de Adelaida, sa iba’t ibang serbisyong dala ng caravan.

“Maraming-maraming salamat sa NHA kasi lumapit na sila sa amin. Hindi na kami mahihirapan, mapapalayo, hindi na kami gagastos. Nagpapasalamat po kami talaga nang sobra,” ani Bohol.

Kabilang sa mga serbisyong natanggap ng mga Kabitenyo ay libreng ligal na konsultasyon sa usaping batas mula sa Public Attorney’s Office (PAO), oryentasyon at pagsasanay sa iba’t ibang kalamaan at starter kits mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), DOST-Food Nutrition Research Institute, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Cooperative Development Authority (CDA), Department of Agriculture (DA), DA-Agricultural Training Institute; mga mura at sariwang gulay at prutas sa DA-KADIWA Store.

Kasama rin sa mga hinatid na tulong ay medikal na konsultasyon na may kaakibat nang mga gamot, bitamina mula sa Department of Health (DOH) katulong ang Rural Health Unit at UP-Philippine General Hospital at lokal na pamahalaan ng Naic. Namahagi rin ng population control kits ang Commission of Population and Development.

Bukod pa rito, oportunidad sa trabaho ang dala ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Public Employment Service Office (PESO) kalakip ang mga pagpaparehistro ng ID at pag-isyu ng mga sertipiko mula sa Pag-IBIG Fund, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Land Transportation Office (LTO), at Philippine Statistics Authority (PSA).

Katuwang din ang Department of Information and Communications Technology para sa maayos na koneksyon ng online activity, at ang Philippine National Police at AFP para sa kapayapaan at kaayusan sa lugar ng aktibidad.

Kaugnay nito, nagpaabot din ng serbisyo ang pamahalaang probinsya ng Cavite, at tinapay handog ng Gardenia Bakeries.

Samantala, kasama sa mga dumalo sa caravan sina NHA Region IV Manager Roderick T. Ibañez, Cavite District Office Manager Engr. Alph L. Orticio, Community Support Services Department Manager A Lolita L. Mediavillo, Jacinto Remulla bilang representante ni Cavite Governor Juanito Victor C. Remulla, at iba pang opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan at ng NHA.

AUTHOR PROFILE