‘2D Module Legends’ radio-based learning system’ inilunsad sa Albay ng TAYO Inc., DepEd, USAID

August 23, 2021 People's Tonight 440 views

LEGAZPI CITY—Inilunsad nitong Linggo ng The Albay Youth Organizations, Inc. (TAYO), Department of Education (DepEd), at United States Agency for International Development (USAID) ang ‘2D Module Legends – 2D On-Air Learning Project,’ isang ‘distance learning system’ na nakabase sa brodkas ng radyo.

Layunin ng proyekto na gawing “kapaki-pakinabang at patas para sa lahat ang malayuang sistema ng pag-aaral” na ginagawa ngayon dahil sa bantang panganib ng pandemyang Covid-19. Itoý magkatulong na isinusulong ng mga institusyong lokal, pambansa at internasyunal.

Sinusuportahan din ang proyektong MODULE LEGENDS ng tanggapan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na namahagi ng 1,500 ‘radio sets’ nang ilunsad ito kung kailan nilagdaan din ang ‘Memorandum of Agreement’ (MOA) kaugnay nito.

Sa paglunsad ng proyekto kung saan panauhin si Salceda, sinabi niyang “lubhang mahalaga ang patas na malayuang pag-aaral upang maiwasan ang panghabang buhay na kawalan ng natutunan.” Bukod sa mga radyong ipinamamahagi, may ambag din ang mambabatas sa gastos sa ‘airtime’ng brodkas.

“Ang pagkalugi sa natutunan sa ilalim ng hindi patas na malayuang pag-aaral ay aabot sa katumbas na 16 porsiyento ng panghabang-buhay na kita, at katumbas din ng tatlo hanggang anim na taon nawala sa dapat natutunan,” paliwanag ni Salceda na isang kilala at respetadong ekonomista.

Layunin din ng proyektong Module Legends ang lumikha at magsa-aire ng mga ‘broadcast learning modules’ sa pamamagitn ng mga lokal na estasyon ng radio. Suportado ito ng Bicol University, DepEd Division Offices sa Albay at Legazpi City, at ng Youth Development Alliance (YDA).

Mahalaga at kapaki-pakinabang ang naturang proyekto, ayon kay Salceda, dahil nananatiling mabisa ang radio bilang instrumento ng kumunikasyon sa Albay. Inaasahang magiging isa ito sa pinakamalaking ‘radio-based learning systems’ sa bansa at magiging modelo sa ‘flexible learning system.’

“Dahil nga malimit bayunin ng malalakas na bagyo ang Albay na pumuputol sa kuneksyon ng aming kuryente at kumunikasyon, nasanay na kami sa radyo bilang mahalagang pinagkukunan ng impormasyon, lalo kung may kalamidad, pahayag ni Salceda.

“Halos lahat ng mga tahanan sa Albay ay may radyo. Kung mayron mang wala, madali na silang ibili nito kaysa umasa sa internet. Ang matagalang pagkalugi sa dapat matutunan ay malaking balakid sa pagbalik natin sa dating patuloy na pagsulong ng ating ekonomiya,” dagdag niya.

Ayon kay Salceda, patuloy na nahihirapan ang maraming kabataan dahil “wala pa tayong tiyak na maaasahang ‘national broadband system’ na ang serbisyo ay umaabot sa mga liblib na lugar sa bansa.” Pinuna din niya na masyadong mahal ang maaasahang internet at hindi dapat ipa-pasan ito sa mahihirap ngayong may krisis, kaya “nais kong maiba ang sitwasyon sa aking distrito.”

“Sa Kongreso, isinusulong ko ang ‘satellite-based’ na pagtuturo sa pamagitan ng ‘Satellite Liberalization Act.’ Higit na mura ang internet sa pamamagitan ng satellite at makararating ito sa liblib na mga bahagi ng aming distrito gaya ng isla ng Rapu-Rapu kung saan hindi naman makatwiran ang magtatag ng ‘fiber optic internet’ kaya sa ngayon, radyo pa rin ang praktikal sa solusyon sa problemang ito,” madiin niyang pahayag.

Kasama sa mga lumagda sa MOA ng proyektong MODULE LEGENDS sina DepEd Usec. Anne Sevilla, TAYO Inc. founder Alfred M. Nimo, TAYO Inc. Board chairman Delton D. Triguero, Legazpi City Mayor Noel E. Rosal na chairman din ng YDA, Bicol University president, Dr. Arnulfo M. Mascarinas, at PCL-Albay president, Board Member Jesciel Richard Salceda.

AUTHOR PROFILE