Scamming NASILO–Ang mga natimbog na mga suspek sa scamming activities matapos salakayin ng mga operatiba ng NBI sa Kawit, Cavite.

29 na suspek sa scamming tiklo sa NBI

August 13, 2024 Jonjon Reyes 97 views

DALAWAMPU’T-siyam katao na pinaniniwalaang sangkot sa scamming activities, kasama ang tatlong Chinese nationals at dalawang Malaysian nationals, ang naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pinaniniwalaang pugad ng scamming activity sa Grand Centennial Homes sa Kawit, Cavite.

Sinabi ni NBI director Jaime Santiago na inaresto ang mga suspek sa bisa ng search warrant.

Ayon kay Santiago, natunton ang operasyon sa lugar dahil sa sumbong ng mga residente na ilang mga bahay ang ginagamit ng isang sindikato bilang scam hubs.

Naniniwala ang NBI na nabuwag nila ang romance scams, investment scams, crypto scams, impersonation scams at credential stuffing sa naganap na raid.

Natuklasan sa operasyon na isa sa bahay ang nagsilbing “scam showrooms” dahil makikita doon ang iba’t-ibang mga pekeng produkto at luxury items na pinalalabas na mga genuine.

Nasamsam din ng NBI ang iba’t-ibang mga electronic devices na gamit sa kanilang malawakang operasyon.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at RA12010 o Anti-Financial Account Scamming Act ang mga suspek na nakakulong ngayon sa detention facility ng NBI.

AUTHOR PROFILE