28 timbog sa illegal na sugal sa QC

July 21, 2021 Melnie Ragasa-limena 379 views

UMABOT sa 28 katao ang inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa patuloy na kampanya laban sa lahat ng uri ng iligal na sugal sa Quezon City.

Sa Novaliches Police Station (PS 4) na pinamumunuan ni PLt. Col. Richard Ian Ang, apat na nagsusugal ng tupada ang naaresto sa bakanteng lote sa Goldmine St., Bgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City. Nakumpiska sa kanila ang panabong na manok, tari at mga perang pantaya.

Sumunod na naaresto ng PS 4 ang tatlong pang nagsusugal naman ng cara y cruz sa bakanteng lote sa London Drive St., Bgy. Gulod, Novaliches. Nakumpiska sa kanila ang pangara coins at bet money.

Dalawa namang sugarol ang nadakma ng Talipapa Police Station (PS 3) sa pamumuno ni PLt. Col. Christine Tabdi, habang nagtutupada sa M-Aquino St., Shrine, Bgy. Tandang Sora. Nakumpiska sa kanila ang dalawang panabong na manok, tari at mga perang panaya.

Apat naman ang binitbit ng Holy Spirit Police Station (PS 14) sa pamumuno ni PLt. Col. Jeffrey Bilaro, na nagsusugal ng cara y cruz sa bakanteng lote sa Himalayan Road, Bgy. Pasong Tamo, habang dalawa ang nadakmang nagtutupada sa Visayas Ave. Extension, Bgy. Pasong Tamo.

Nakadakip naman ang Pasong Putik Proper Police Station (PS 16) sa pamumuno ni PLt. Col. Joven Larga ng apat na naglalaro ng cara y cruz sa Geronimo Compound, Bgy. Sta. Monica, Novaliches.

Habang ang Cubao Police Station (PS 7) na pinamumunuan ni PLt. Col. Ma Edna Catilogo ay dinakma naman ang siyam na nagsasabong gamit ang cellphone sa Araneta City Bus Terminal parking lot, Araneta City, Bgy. Socorro Cubao.

Kakasuhan ng paglabag sa P.D. 1602 (Illegal Gambling) ang mga naarestong sugarol habang ang mga binitbit na minors ay dadalhin sa Quezon City Social Services Development Department.