
26 tiklo sa ‘warrant day’ ng Laguna PNP
UMABOT sa 26 katao ang nalambat ng pulisya na may iba’t-ibang kinasasangkutang kaso sa lalawigan ng Laguna sa loob ng isang araw na “warrant day” operation na isinagawa nitong Hunyo 1, 2023.
Ito ang iniulat ni P/Col. Randy Glenn G. Silvio, acting provincial director, Laguna PPO (Police Provincial Office) kay PRO (Police Regional Office) Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) director PBGen. Carlito M. Gaces PBGen. Carlito M. Gaces, sa naging matagumpay na operasyon.
Kabilang sa mga naaresto ay dalawang “most wanted person” (MWP) regional level na may kasong “rape”; isang MWP sa provincial level na may kasong “rape”; at dalawang MWP sa city/municipal level na nahaharap naman sa kasong paglabag sa RA (Republic Act) 10591 o illegal possession of firearms, at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang arestado 21 ay wanted sa iba’t-ibang kaso.
Ang mga arestadong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang operating units para sa disposisyon.
Ang “Warrant Day” ng Laguna PNP ay isinasagawa tuwing Huwebes at matagumpay na naipapatupad sa pamamagitan ng mga nakalap na impormasyon mula sa aktibong suporta ng komunidad sa iba’t-ibang barangay sa lalawigan ng Laguna.
Sa pahayag ni Silvio, “Ang ‘Warrant Day’ ng Laguna PNP ay isang pamamaraan upang mabilisang maaresto o mahuli ang mga nagtatago sa batas sa pakikipagtulungan at suporta ng ating mga kababayan. Tuloy-tuloy ang inyong kapulisan sa mga ganitong operasyon upang mas maayos at mapanatili ang kapayapaan sa ating lalawigan ng Laguna.”