Crime Source: FB file photo

250 suspek sa iba’t-ibang krimen laglag sa NegOc

June 18, 2024 Alfred P. Dalizon 198 views

DALAWANG-DAAN at limampung lawbreakers sa Negros Occidental ang dinakip ng mga pulis sa simultaneous anti-criminality operations na nagresulta din sa pagkakakumpiska ng mahigit P2 milyong halaga ng droga.

Sinabi ni Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO) director Colonel Rainerio De Chavez na bunga ang mga pag-aresto ng mas pinaigting na Oplan: Birada Semana o isang linggong kampanya laban sa krimen mula Hunyo 10 hanggang 16.

Kabilang sa mga naaresto dulot ng 154 anti-criminality operations sa lalawigan ang 37 suspek sa pangangalakal ng droga.

Nakumpiska sa kanila ang 175 na gramo of shabu na nagkakahalaga ng P188,000 at 110 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na may halagang P13,200.

Nahaharap ang 37 akusado sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Nahuli din ang limang residente dahil sa pag-iingat ng iligal na baril. Nakakumpisa din ang mga tauhan ng Negros Occidental police ng 33 loose firearms at tatlong pampasabog.

Sinampahan ng mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013) ang mga nahuli dahil sa ilegal na baril.

Sinabi pa ni Col. De Chavez na natiklo din ang 70 wanted na tao sa lalawigan na nahaharap sa iba’t-ibang kaso.

Nakasamsam din ang NOCPPO ng P14,219 na halaga ng taya sa iligal na sugal at nakahuli ng 66 na sangkot sa iligal na pangingisda sa probinsya.

AUTHOR PROFILE