24 pulis positive sa drug test
DALAWAMPU’T apat na pulis ang nagpositibo sa droga sa pagpapatuloy ng drug testing sa hanay ng mga kapulisan.
Ayon kay Brig. Constancio Chinayog, director ng PNP Forensic Group (FG), aabot sa 115,983 pulis sa buong bansa ang isinailalim sa drug test ng PNP mula Enero hanggang Agosto at 24 sa mga ito ang nagpositibo.
“Yung drug testing natin sa ating personnel is a continuing activity by the FG. Sa katunayan this year we already tested 115,983.
Of this, meron tayong positive na 24,” pahayag ni Chinayog.
Kabilang sa mga nagpositibo ang hepe ng Mandaluyong City Police na si Police Colonel Cesar Gerente na sinibak na sa pwesto kamakailan.
Nahaharap ang mga nagpositibo sa kasong administratibo na posibleng ikatanggal nila sa serbisyo.
Sa ngayon, iniutos na ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda ang pagrepaso sa kaso ng mga pulis na nagpositibo sa mga naunang drug test na isinagawa ng PNP para malaman kung ano ang status ng kanilang kaso at kung naalis na ba sila sa serbisyo .
Magpapatuloy din ang pagsasagawa ng drug testing ng PNP hanggang sa maisailalim ang lahat ng 225,000 miyembro ng Philippine National Police.