Default Thumbnail

23 health protocol violators arestado sa QC resto bar

August 31, 2021 Melnie Ragasa-limena 410 views

INARESTO ng mga tauhan ng ‘Oplan Magdalena’ ang 23 kostumer na naabutan sa isang resto bar na agad ding ipinasara matapos na lumabag sa ‘health protocols’ na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Antonio C. Yarra, bandang 10:10 p.m. ay nagtungo ang mga awtoridad sa Up and Beyond Resto Bar, na matatagpuan sa 184 Kojak Bldg., Tomas Morato, Brgy. Sacred Heart, sa lungsod.

Doon ay nadiskubre ang maraming parokyano at mga umano’y guest relation officers (GRO) na nasa loob ng inokupahang tatlong VIP rooms, nag-iinuman at nilalabag umano ang ‘health protocols gaya ng social distancing at gathering.

Dahil dito ay agad na inisyuhan ng Ordinance Violation Receipts (OVR) ang mga nangagasiwa at naabutang mga kostumer sa Resto Bar.

Ang 23 na kinabibilangan ng 13 mga babae at 11 lalaking mga kostumer ay inaresto ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit (DSOU); District Women and Children Concern Section (DWCCS); Kamuning Police Station (PS 10); kasama ang inspecting team ng Business Permits and Licensing Department (BPLD), at Social Services and Development Department (SSDD) ng Quezon City.

Matapos ang dokumentasyon at isyuhan ng OVRs ang mga inaresto at pinayuhan ding umuwi sa kanilang tahanan at bayaran ang kanilang kaukulang multa sa Department of Public Order and Safety (DPOS) sa lungsod.

“The shutdown of the said resto bar and the issuance of OVR to 23 violators are clear manifestations na marami parin ang hindi sumusunod sa pinapatupad na ordinansa dito sa ating lungsod. Bagama’t ang QCPD ay patuloy sa pag papatupad ng mga ito, marami parin ang pasaway at walang pakialam sa kaligtasan ng nakakarami. Kaya naman, magsilbing aral sana ito sa mga nagpu punta sa mga bar at planong magbukas ng kanilang resto bar sa panahon ng MECQ sa lungsod, hindi kami magdadalawang isip na kayo ay hulihin at ipasara ang inyong establisyento upang hindi kayo pamarisan ng nakararami,” pahayag ng QCPD director.