2025 Serbisyo Fair mapopondohan
TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na mapopondohan ang mga proyekto at programa sa ilalim ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa susunod na taon.
Sa kanyang pagsasalita sa BPSF-Eastern Visayas na ginanap sa Tacloban City sa Leyte, iginiit ni Speaker Romualdez ang pagkakaisa at pagnanais ng mga miyembro ng Kamara de Representantes na suportahan ang inisyatiba ni Pangulong Marcos.
Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na sisimulan na ng Kamara de Representantes ang deliberasyon sa panukalang P6.352 trilyong national budget sa susunod na linggo.
Nangako si Speaker Romualdez na titiyakin na malalagyan ng pondo ang mga programa ng BPSF gaya ng Kadiwa ng Pangulo, Passport on Wheels, Driver’s License registration/assistance, at iba pa.
“Araw-araw, gabi-gabi ay magta-trabaho ang inyong Kongreso para mapabilis at masiguro ang pagpasa ng budget para mas marami pa tayong matulungan sa ating mga kababayan. Ito ang Bagong Pilipinas, ito ang bagong Kongreso,” sabi ni Speaker Romualdez.
Nangako rin ang lider ng Kamara na ipagpapatuloy ang pagsasagawa ng BPSF upang mapuntahan ang lahat ng rehiyon sa bansa.
“Nandito po kaming lahat at lilibutin natin ang buong Pilipinas at itutuloy po natin ito hanggang matapos ang buong Pilipinas,” sabi nito.
Inulit ni Speaker Romualdez ang pagnanais ni Pangulong Marcos na maibaba sa gobyerno ang serbisyo ng mga Pilipino.
“Hangarin po ng ating Pangulo na ibaba ang lahat ng mga programa ng gobyerno, lahat ng mga produkto, at lahat ng mga serbisyo sa taumbayan,” sabi nito.
“Kailangang ilapit natin lahat ng mga sangay ng gobyerno sa taumbayan. Kaya nandito po kami para siguraduhing happy kayo,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Dumalo sa mega BPSF sa Tacloban City ang 241 miyembro ng Kamara de Representantes, ang pinakamaraming dumalo sa kasaysayan ng BPSF.
Pumunta rin sa event sina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, 12 gobernador, tatlong bise gobernador, siyam na mayor at 16 opisyal ng Executive Department.
Umabot sa P1.26 bilyon ang halaga ng serbisyo at financial assistance na ibinahagi sa 253,000 benepiyaryo sa Tacloban City sa Leyte, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Southern Leyte at Biliran.
Nagpasalamat naman si Speaker Romualdez sa mga nakiisa upang maging matagumpay ang event.
Nagpasalamat si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo kay Pangulong Marcos, Speaker Romualdez at sa Kongreso sa pagtulong sa mga mahihirap.
“Napakalaking bagay po ng tulong na ito mula sa ating Pangulo at Kongreso. Maraming salamat po, lalo na kay Speaker Romualdez, sa patuloy na pagsuporta sa ating mga kababayan,” sabi ni Tulfo.
Nagpasalamat din si Sen. Revilla kina Pangulong Marcos at Speaker Romualdez sa kanilang patuloy na pagtulong sa mga Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan.
“Ang Serbisyo Fair na ito ay patunay na nagkakaisa ang ating pamahalaan para sa kapakanan ng bawat Pilipino,” sabi ni Revilla.
Ganito rin ang ipinahayag ni Leyte Governor Jericho Petilla na dumalo rin sa BPSF.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa ating Pangulo, kay Speaker Romualdez, at sa buong Kongreso. Ang inyong tulong at suporta ay napakalaking ginhawa sa aming mga kababayan dito sa Leyte,” sabi ni Petilla.
Ayon kay Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, mahalaga ang kolaborasyon ng national at local government.
“Nagpapasalamat po kami kay President Marcos, kay Speaker Romualdez, at sa lahat ng mambabatas na nagpunta rito. Ang kanilang pagsisikap ay nagbunga ng malaking tulong sa ating mga kababayan,” sabi pa ni Mayor Romualdez.