Julia

2024 taon ni Julia Barretto

December 14, 2024 Ian F. Fariñas 153 views

Walang duda na taon ni Julia Barretto ang 2024. Mula sa mga matagumpay at blockbuster na proyekto, napatunayan niya ang pagiging tunay na superstar sa kabi-kabilang accomplishments.

Sinimulan nga ng aktres ang taon bilang bagong mukha ng iba’t ibang brands gaya ng pagiging calendar girl ng Tanduay, kasabay ng ika-170 anibersaryo nito.

Siya rin ang bagong representative ng Casino Plus, Vaseline, Wellness Whispers, M&M’s at Pina Beauty Soap. Muli ring ni-renew ang kontrata niya bilang celebrity endorser ng Penshoppe, Palmolive, at Ponds, isang patunay ng kredibilidad niya sa merkado.

Noong April, ipinalabas sa Viu ang pinagbidahan niyang “Secret Ingredient,” isang cross-cultural mini-series kung saan gumanap siya bilang isang aspiring chef kasama ang South Korean actor na si Lee Sang Heon at Indonesian superstar na si Nicholas Saputra.

Nagwagi ito ng prestihiyosong Silver Dolphin trophy para sa Branded Content Global Videos at Black Dolphin trophy para sa Best Cast/On-Camera Talent sa Cannes Corporate Media & TV Awards 2024.

Gumawa rin ng kasaysayan ang serye bilang unang proyekto ng Viu na napili mula sa higit 800 entries ng 46 bansa.

Nagwagi rin ang mini-series sa Asian Academy Creative Awards 2024, kung saan itinanghal itong National Winner para sa Best Branded Programme at Best Original Production by a Streamer (Fiction) sa Pilipinas.

Pinalakas ng “Secret Ingredient” ang international star status ni Julia sa tagumpay nito hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa Indonesia, South Korea, atbp.

Sa big screen naman, ginawa ni Julia ang “Ikaw Pa Rin ang Pipiliin Ko,” kasama ang multi-awarded actor na si Aga Muhlach.

Nagpatuloy ang big-screen victory ng aktres sa “Un/happy for You,” ang reunion project nila ng dating ka-loveteam na si Joshua Garcia.

Hindi lang critically acclaimed ang pelikula. Tumabo rin ito sa takilya ng P20.5 million sa first day at humigit-kumulang P450 million worldwide gross.

Ang “Un/Happy for You” ang itinuturing na pinakamatagumpay na JoshLia film to date.

Ngayong Disyembre, nagbabalik sa big screen si Julia sa “Hold Me Close,” ang official entry ng Viva Films sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ang romantic-fantasy film ang pangalawang pagsasama nila nina Carlo Aquino at Direk Jason Paul Laxamana. Unang nagkatrabaho ang tatlo sa “Expensive Candy” ng Viva.

Kinunan sa Japan, ginagampanan ni Julia sa movie ang papel ni Lynlyn, isang dalaga na may psychic ability.

Mapapanood ang “Hold Me Close” sa mga sinehan simula Dec. 25.

Bukod sa pagiging aktres at in demand na brand endorser, si Julia ay isa ring entrepreneur at social media powerhouse.

May sariling brand, ang The Juju Club, na nag-aalok ng chic products tulad ng swimwear, eyewear at iba pa. Samantala, lagpas isang milyon na rin ang subscribers ng kanyang YouTube channel, kung saan masusundan ng fans ang kanyang lifestyle tips, BTS moments at personal na buhay.

Ang ventures niyang ito ay patunay lamang na ang impluwensiya ng aktres ay hindi limitado sa pag-arte kundi maging sa fashion at digital world din.

Kaya naman ngayon pa lang, inaasahan nang mas magiging malaki at pasabog ang kanyang 2025.

Sa trade launch ng TV5 noong Nobyembre, inanunsiyo nang si Julia ang pinakabagong host ng “Artista Academy.” Nakatakda na rin ang primetime comeback niya sa biggest TV5 series ng 2025 na “Hello, Heaven” at sa Kapamilya series na “What Lies Beneath,” kung saan makakasama niya sina Bela Padilla, Charlie Dizon, Jake Cuenca, JM de Guzman at Janella Salvador.

AUTHOR PROFILE