NHA

20 pamilyang hinagupit ni Yolanda binigyan ng bahay ng NHA

August 3, 2024 Jun I. Legaspi 79 views

GINAWARAN ng National Housing Authority (NHA) ng pabahay ang 20 pamilyang biktima ng bagyong Yolanda noong 2013 bilang pakikiisa sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Eastern Visayas State University sa Tacloban City, Leyte noong Agosto 2, 2024.

Bilang kinatawan ni General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NHA Region 8 Manager Engr. Constancio Antiniero, ang pamamahagi ng Certificates of Award (COA) sa mga benepisyaryo ng mga yunit sa St. Francis Village 1, Brgy. 105 Suhi, Tacloban City.

Isa sa mga prayoridad na programa ng administrasyon, layunin ng BPSF na maghatid ng mga serbisyo ng gobyerno nang mabilis, epektibo, maginhawa at kasiya-siya sa lahat ng mga Pilipino.

Bukod dito, ginanap ang groundbreaking para sa 25 housing units sa Brgy. Cabiawan, San Remigio, Antique.

Nakatakdang ipagkaloob ang proyekto sa mga pamilyang hinagupit ng Yolanda sa nasabing lalawigan.

Patuloy ang NHA sa pamamahagi ng pinansyal na tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad.

Sa Lapu-Lapu City, Cebu, umaabot sa P49,575,000 sa ilalim ng Special Emergency Housing Assistance Program (EHAP), ang ipinamahagi ng NHA sa 7,547 pamilyang nasalanta ng bagyong Odette.

Karagdagang 96 na pamilyang biktima ng bagyong Paeng sa Alfonso at Silang, Cavite ang nakatanggap din ng EHAP.

AUTHOR PROFILE