Guadiz

20 modern PUJs huli dahil sa overloading

February 1, 2023 Jun I. Legaspi 352 views

DALAWAMPUNG modern public utility jeepneys ang hinuli ng mga tauhan ng Law Enforcements Unit (LEU) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa magkahiwalay na “anti-overloading” operation Miyerkules.

Sa ikinasang operasyon ay apat na modern jeepneys ang nahuling sobra ang pasahero kung saan ay inilipat at isinakay ang mga ito sa ibang pampasaherong sasakyan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Kabilang din sa mga paglabag na naitala ay ang walong tsuper na hindi nakasuot ng tamang uniporme, apat na may sirang breaklight, dalawang unit na walang nakapaskil na fare matrix, at tig-isang unit na walang nakapaskil na “No Smoking” at walang naipakitang Certificate of Public Convenience (CPC) card.

Ang naturang operasyon ay inilatag sa dalawang lugar sa Caloocan at Quezon City.

Ang mga hinuling modern PUVs ay tiniketan at pinatawan ng tig-P5,000.00 bilang unang paglabag sa ilalim ng Memorandum Circular 2011-004 ng Joint Administrative Order 2014-01.

“Ako po ay muling nananawagan sa mga driver at operator ng mga pampasaherong sasakyan na sumunod na lamang po tayo sa batas upang maiwasan po na kayo ay maabala ng husto at maging ng mga pasaherong sakay ninyo,” pahayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III.

“Prayoridad po natin ang kaligtasan ng bawat isa, mahalaga ang makarating kayo sa inyong destinasyon ng maayos at pabalik sa inyong pamilya na ligtas,” wika pa ni Guadiz.

AUTHOR PROFILE