20 Malolos girls

March 19, 2022 Magi Gunigundo 282 views

Magi GunigundoSA ating pagdiriwang ng buwan ng kababaihan ngayon Marso, binibigyan pansin natin ang tapang at pagkakaisa ng dalawampung kababaihan ng Malolos na lumagda sa isang liham noon Disyembre 1888 para hilingin sa Kastilang Gobernador Heneral Valeriano Weyler ang pahintulot na makapagtayo ng isang panggabing paaralan at umupa ng maestro na magtuturo sa kanila ng wikang Kastila na gamit ng mga may kapangyarihan sa negosyo at pamahalaan.

Mahigpit ang pagtutol ng mga prayleng Augustinian at ni Gob Weyler mismo sapagkat sila ay naniniwala na ang lugar ng mga babae ay sa tahanan lamang. Para sa mga prayle, makabubuting iwanan na lamang na mangmang sa wikang Kastila ang mga kababaihan upang ang kanilang isipan ay hindi mapasok ng mga ideyang liberal dahil karamihan sa mga aklat na tinuturing na subersibo ng mga prayle ay nakasulat sa wikang kastila. Nangangamba ang mga prayle na ang pagkakaroon ng kaalaman sa wikang Kastila ay magsisilang ng paghahangad ng kalayaan at paghingi ng karapatang pantao na itinuring na banta sa pamumuno ng mga Espanyol at sa kapangyarihan ng Simbahan Katoliko.

Sa kabilang dako, umani ng papuri mula sa mga ilustradong repormista tulad ni Dr. Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena at Marcelo H Del Pilar ang ginawa ng 20 kababaihan ng Malolos.

Ayon kay Del Pilar, mayroon dalawang klase ng Filipina: ang una ay mahina, mahiyain, at madaling mapaniwala sapagkat walang mapanuring pag-iisip.

Ang ikalawang klase ay matalino, nililisa ang napapakinggan at buo ang loob na ipinaglalaban ang karapatan sa edukasyon. Sa unang klase babagsak si Leonor Rivera na tinuturing ng marami na naging hulmahan ni Maria Clara sa nobelang Noli Me Tangere: madaling maloko, walang lakas lumaban at madaling masiraan ng loob. Hinimok ni Rizal ang mga kababaihan ng Malolos na ipaglaban ang sarili, pagyamanin ang karunungan at maging matapang. Ang isang mahinang klaseng babae ay walang alam kundi mag-usal ng novena, magkalat ng tsismis at madaling maniwala sa huwad na milagro, at libangan ang baraha. Ang mga anak ng ganyang klaseng Pilipina ay magiging sakristan at alipin lang ng mga pari, at lalaking mga sabungero.

Sinabi pa ni Rizal na ang kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas ay kagagawan ng mga Pilipina. Ang isang mabuting Pilipina ay pinapalaki ang anak na uunahin ang bansa bago sarili at pipiliin ang buhay na marangal kesa sa buhay na walang dangal. Tinuro ni Rizal ang mga kababaihan ng sinaunang bayan ng Sparta kung saan ang mga kababaihan ay makapangyarihan sapagkat sila lamang ang nakapagluluwal ng sanggol at nagpapalaki sa mga ito ng tama.

Pagkaraan ng mahabang debate, nagbukas ang panggabing paaralan noon Pebrero 1889. Subalit pagkaraan ng dalawang buwan, isinara ang paaralan noon Abril 1889. Pinaratangan ng mga prayle ang mga nangangasiwa ng paaralan na nagtuturo ng mga doktrinang imoral at ng pagkain ng karne sa araw ng pag-aayuno.

Ang 20 kababaihan ng Malolos, ayon sa 2004 aklat ni Nicanor Tiongson na pinamagatang “The women of Malolos” ay pinagbuklod ng dugo, kasal at pagkakaibigan. Nagmula silang lahat sa limang pamilya na mestizong intsik at mayroon limang apelyido sila : Reyes, Tanchangco, Tantoco, Tiongson at Uitangcoy.

Si Basilia Tiongson, sa edad na 28 taon, ang pinakamatanda sa mga kababaihan na lumagda sa liham kay Weyler. Ang kanyang apat na mga kapatid ay lumagda rin sa liham. Ang kanilang ama ay naging gobernadorcillo ng Malolos na kontra sa mga prayle.

Si Olympia Reyes ang pinakabatang lumagda sa liham kay Weyler sa edad na 12 taon. Ang kanyang anak na si Jose Reyes ay naging doktor at naglingkod bilang Director ng North District Hospital ng Department of Health. Ang naturang ospital ay isa nang tertiary hospital sa Maynila na ipinangalan sa kanya. Samantala ang isa pang anak ni Olympia na si Hermenegildo ay isa sa mga pundador ng Makati Stock Exchange.

Si Aurea Tanchangco ang pinakamatalino sa 20 mga kababaihan.Napangasawa niya si Eugenio Hernando na naging director ng Bureau of Public Health ng administrasyon ni Quezon.

Si Maria Tantoco ay nagkaroon ng anak na naging alkalde ng Malolos , si Felix Reyes. Si Mercedes Tantoco naman ang napangasawa ni Teodoro Sandico na pundador ng Nacionalista Party.

Si Alberta Uitangcoy naman ay napangasawa si Paulino Santos. Ang kanilang bahay sa Malolos, Bulacan ang tahanan ng Museo ng mga kababaihan ng Malolos.

Ang ipinakitang tapang at lakas ng loob ng 20 kababaihan ng Malolos ang kinikilalang binhi ng aktibismo ng mga Filipina sapagkat hindi nila inalintana ang kanilang kabataan at pagiging babae upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa edukasyon. Hindi man sila, ang kanilang naging mga asawa ang nagbigay ng espasyo upang magkaroon ang mga Pilipina ng karapatan bumoto at maiboto sa halalan. Sila ang ikalawang klase ng Pilipina na hinahangaan ni del Pilar at Rizal. Ang kanilang mga anak na nagtagumpay sa larangan ng medisina at pampublikong kalusugan , negosyo at pulitika ay patunay na ang kamay na nag –uugoy ng duyan ang siyang namamahala ng daigdig.

AUTHOR PROFILE