20% FastCat fare discount sa mga maralitang uuwi sa probinsiya

June 5, 2021 Jun I. Legaspi 234 views

PORMAL na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) Friday sina Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairman at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano at Archipelago Philippine Ferries Corporation (APFC) President and CEO Christopher Pastrana para sa isang kolaborasyon na magbibigay ng 20% diskwento na pamasahe sa mga maralitang tagalungsod na sasakay sa FastCat para umuwi sa kani-kanilang probinsya.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Feliciano sa APFC at sa lahat ng bumubuo nito dahil sa walang pag-aalinlangang pagtanggap sa Komisyon upang maging kabalikat nito sa pagbibigay ng serbisyo sa sektor ng maralita.

Nagpabatid din ng kanyang pagbati at pasasalamat si APFC President/CEO Pastrana dahil nabigyan sila ng pagkakataon na maging kasangga ang gobyerno, partikular na ang PCUP upang magtaguyod ng isang kapaki-pakinabang na programa para sa mga kababayan na nais bumiyahe pauwi nang ligtas at mabilis.

Nagbigay rin ng kanyang mensahe ng kagalakan si APFC Executive Vice President Mary Ann Pastrana dahil sa oportunidad na maging katuwang ang PCUP para sa isang hangarin na maglingkod sa taumbayan.

Bahagi ang naturang aktibidad ng programang Urban Poor Privilege Card ng PCUP na kung saan ay nakikipag-ugnayan at nakikipagpartner ang Komisyon sa mga pribadong kompanya, institusyon, at organisasyon upang magbigay ng diskwento sa mga maralitang tagalungsod sa mga pangunahing serbisyo tulad ng pagkain, gamot, transportasyon, edukasyon, pangkalusugan, at iba pa.

Samantala, tiwala naman ang parehong panig na malaking kaginhawaan para sa mga Pilipinong nais bumiyahe pauwi ang mabigyan ng discount coupons. Pangako ng mga ito na patuloy na magkakaloob ng isang ligtas, mabilis, at komportableng biyahe para sa mga maralitang tagalungsod na mag-aavail ng diskwento.

AUTHOR PROFILE