Default Thumbnail

2 ulo, paa isinilid sa sako

January 27, 2023 Jonjon Reyes 338 views

DALAWANG ulo at ang kaliwa’t kanang hita hanggang paa ay pawang nakasilid sa loob ng sako na natagpuang palutang-lutang Biyernes ng umaga sa Manila Bay, sa may Manila Harbor Complex sa Barangay 168, Tondo, Maynila.

Masangsang na ang amoy nang matagpuan ang dalawang ulo ng lalaki kasama ang kaliwa’t kanang hita hanggang paa.

Base sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, pasado 9:05 ng umaga nitong Biyernes nang madiskubreng palutang-lutang ang isang kulay puting sako sa karagatang sakop ng Manila Harbor Complex sa Bgy. 128 sa Tondo.

Iniahon ang sako at nadiskubre ang dalawang ulo at paa na nakasilid dito.

Sa pangunguna ni Turla, kasama sina Det. Dennis Suba at Det. John Siguen, nagtungo sila sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon.

Bukod sa mga tauhan ng MPD-Homicide, naroroon din ang mga tauhan ng Forensic Unit ng Scene of the Crime Operatives mula sa Camp Crame para magimbestiga at mangalap ng mga ebidensiya.

Pinaniniwalaan ng pulisya na sa ibang lugar kinatay ang dalawang biktima at napadpad lamang sa lugar kung saan nadiskubre ang sako.

Hinihinalang may kaugnayan sa bawal na droga ang krimen. Isa ito sa binubusisi ng mga awtoridad.

Ang dalawang ulo at ang dalawang paa ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue habang patuloy na inaalam kung nasaan ang iba pang parte ng katawan ng mga biktima.

AUTHOR PROFILE