
2 tumangay ng cellphone huli
DALAWANG taxi driver na nagnakaw sa kanilang mga dayuhang pasahero ang nahuli ng pulisya makaraang biktimahin ang isang Chinese Martes ng gabi sa Makati City.
Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Roderick Mariano, sumakay ng taxi ang 37-anyos na Chinese sa Valero St. at nagpahatid sa Three Central sa Brgy. Bel Air dakong alas-10 ng gabi.
Kinilala ang dalawang suspek na sina John Perez, 44 at Miguelito Llanera, 37, na positibong kinilala ng biktima na nambiktima at tumangay sa mamahalin niyang cellphone.
Nangyari ang krimen pagsapit sa kanto ng Osmeña Highway at Mascardo St. sa Bangkal, Makati nang tinanong ng driver ang biktima kung alam nito kung saan sila pupunta.
Ibinigay ng Chinese ang kanyang iPhone 12 Pro Max cellphone kung saan nakalagay ang direksiyon. Huminto naman ang taxi driver para pumara ng isa pang taxi ang at doon sa driver na kanyang pinara itinanong kung alam niya ang direksiyong nakalagay sa mobile phone.
Dahil alam ng pinarang taxi ang direksiyon, pinalipat na lang niya rito ang pasahero subalit nang bumaba na sa taxi ang biktima, biglang humarurot palayo ang dalawang taxi, tangay ang mamahaling mobile phone ng dayuhan.