Default Thumbnail

2 ‘tirador’ ng motor sa Sta. Cruz, timbog

June 19, 2023 People's Tonight 257 views

NABUKING ng mga operatiba ng Blumentritt Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District (MPD) Sta. Cruz Police Station (PS) 3 ang dalawang lalaki na sinasabing sangkot diumano sa pagnanakaw ng motorsiklo makaraang masakote sa follow-up operation.

Una munang isinanla ng mga suspek ang motorsiklo sa halagang P500, matapos umanong tangayin sa isang iskinita sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila, nitong Hunyo 17.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, station commander ng MPD PS-3 bandang 8:00 ng umaga nitong Sabado ay naglahong parang bula ang motorsiklo ng biktima, ng Barangay 347 sa Sta. Cruz.

Dahil dito nagkasa ng follow-up operation sina P/Maj. Emmark Dave Apostol, hepe ng Blumentritt PCP, at ang ilan nitong tauhan.

Matapos ma-rebyu ang CCTV footage mula sa ginawang pagkuha sa motor na Suzuki Smash 115 at sinabing tinira ng mga suspek ang motor bandang alas-5 ng madaling araw ng nasabing araw.

Nasapul rin ng CCTV ng Barangay sa bandang A. Lorenzo St. patungong Jose Abad Santos sa Tondo at dito na nabitag ang mga suspek.

Dinakip ang isang 35-anyos na lalaki na miyembro umano ng “Batang City Jail,” at isang 23-anyos na utility driver, parehong nakatira sa Tondo.

Nabawi naman ang motorsiklo na sinangla pa diumano ng dalawang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10083 (Anti-Carnapping Act 2016).

Agad naman nagpaabot ng mensahe si “The Game Changer General” MPD chief PBGen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng PS-3 sa pamumuno ni Apostol dahil sa loob lamang ng 24 oras ay agad na nalutas ang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo at mabilis na naaresto ang mga suspek.

AUTHOR PROFILE