2 tiklo ng NBI sa pagbenta ng pekeng gamot pang-dialysis
INARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang empleyado ng isang dialysis center, matapos maaktuhang gumagamit at nagbebenta ng mga kemikal na hindi inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon sa NBI, nakatanggap ang ahensya ng impormasyon na ginagamit ng dialysis center ang kemikal at ibinebenta ito sa iba pang dialysis centers.
Agad na nagpatupad ng search warrant ang NBI-National Capital Region (NCR) at ikinasa ang operasyon kung saan nadiskubre nila ang 50 kahon ng Diacid, isang hindi naaprubahang gamot na ginagamit para sa dialysis para sa mga pasyenteng may mga isyu sa bato.
Sinabi ni NBI-NCR Regional Director Rommel Vallejo na maaaring magdulot ng mas malalang sakit sa pasyente kung ang gamot ay hindi rehistrado at walang matibay na pruweba na mabisa para sa paggagamot.
Kinumpiska rin ng NBI sa pagsalakay ang mga dokumento na nagsasaad ng ibang centers na bumibili at gumagamit ng nasabing kemikal.
Natuklasan din ang isang kuwarto na puno ng basyo ng galon ng diacid na hinihinalang nagamit na sa kanilang dialysis patients.
Dalawang empleyado ang inabutan sa loob ng dialysis center. Sila ay sasailalim sa inquest procedures at kakasuhan ng paglabag sa Philippine Pharmacy Act.