
2 ‘terorista’ ipinatapon pabalik ng India
DALAWANG Indian nationals na hinihinalang miyembro ng terrorist group ang ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo.
Sa opisyal na kalatas, sinabi ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. na ang mga Indian national na sina Manpreet Singh Gill, 23, at Mandeep Singh, 26, ay sinakay sa eroplano patungong New Delhi.
Ayon sa ahensiya, ang dalawa ay ineskortan ng BI team at maayos na tinanggap ng airline personnel at Indian authorities.
Sa record, si Manpreet ay ipinatapon dahil sa pagiging undesirable alien matapos makatanggap ng report ang BỊ sa United State Federal Bureau of Investigation na ito ay wanted sa India ng maraming kaso, kabilang ang unlawful activities prevention act at mga kasong murder.
Ayon pa sa BI, nakatanggap din sila ng reklamo sa Indian government na si Manpreet ay may mga warrant of arrest na inilabas ng Additional Chief Magistrate Moga Punjab sa kasong Indian’s arms act.
Si Mandeep naman ay tinaguriang undesirable for harboring a fugitive.
Ayon sa BI, ang dalawa ay nadakip nitong Marso 7 sa Iloilo ng BI Fugitive Search Unit, Anti-Terrorism Group, Crime Investigation Coordinating Council, Philippine National Police at Iloilo government intelligence agencies.
Sinasabing ang dalawa ay sangkot sa terrorist activities sa Punjab, India. Dalawa sa mga kasama nito, nakilalang sina Amrik Singh at Hayer Amritpal Singh, ay na-deport na noong Mayo.
Sina Manpreet at Mandeep ay agad idineport matapos ma-clear ang kanilang mga local charges sa Pilipinas.
“Their deportation ensures that our country is safe from these undesirable aliens that pose a major threat to our people,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco. “Our close coordination with other governments would allow us to continuously hunt down and deport these fugitives.”